MARAMING nagsasabi na kaya lang daw sinusuportahan ng mga Kapamilya stars ang kandidatura ni Leni Robredo sa pagkapangulo ng Pilipinas ay para maibalik na ang prangkisa ng ABS-CBN.
Halos lahat kasi ng mga artistang nagtatrabaho o konektado sa nasabing TV network ay lantarang naghahayag ng kanilang pagiging Kakampink.
Kaya naman sinagot na ito ng TV host-comedian na si Vice Ganda sa live episode ng “It’s Showtime” kahapon kung saan mariin niyang pinabulaanan ang haka-haka ng mga anti-Leni.
Napag-usapan ang isyu tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN habang ini-interview nina Vice Ganda at Vhong Navarro ang isang contestant sa “Tawag ng Tanghalan” na si Dan Concilles.
Ang contest piece ni Dan ay ang kantang “Sabihin Mo Na” kaya natanong ni Vice kung ano ang gusto niyang sabihin sa maihahalal na bagong pangulo ng Pilipinas.
Ang ipinagdamot daw na franchise ng ABS-CBN ang naibahagi niya sa harap ng madlang pipol, “Kasi nawalan din kami ng saya noong nawala (ang network sa free TV).”
Kasunod nito, nagsalita nga si Vice tungkol sa pagsuporta ng mga Kapamilya stars kay VP Leni na ang kapalit daw ay ang pagbibigay muli ng prangkisa sa kanilang mother network.
“Linawin lang natin, ha. Kasi ang daming nagsasabi, itong mga artistang ‘to, may mga ginagawa sila dahil ang tanging pakay nila ay para maibalik ang prangkisa.
“Para lang sa kaalaman ng nakararami, wala na ho kaming inaasahang prangkisa, dahil ‘yung dati naming prangkisa, meron na hong nagmamay-ari nu’n.
“Wala na po kaming hinahabol na dating prangkisa, dahil ang prangkisa namin ay may nagmamay-ari na, at pagmamay-arian nila ‘yan ng ilang dekada,” paliwanag ng TV host.
Ang tinutukoy ni Vice ay ang pagkumpirma ng National Telecommunications Commission na ang dating frequencies ng ABS-CBN ay hawak na ng Advanced Media Broadcasting System Inc. na pag-aari ni dating Sen. Manny Villar (Channel 2 at 16); ng Sonshine Media Network ni Pastor Apollo Quiboloy (Channel 43); at ng Aliw Broadcasting Corporation (Channel 23).
Pagpapatuloy ni Vice, “Wala na pong mahahabol ang ABS-CBN. Wala na pong in-apply na franchise ang ABS-CBN, kaya wala po kaming hinahabol na franchise. Hindi na naman mahahabol ‘yun. ABS-CBN is no longer after any franchise.”
Diin pa niya, “Kasi lagi kong nababasa, ‘Si ganiyan, kaya ganiyan, dahil sa franchise, kasi umaasa sila.’ Wala nang inaasahan. Tapos na ‘yung kabanata na ‘yun. Tapos na.”
“Puwede pang manumbalik ang mga trabaho, kasi ngayon, ang ABS-CBN ay nag-po-produce o lumilikha ng maraming content na maaaring ipalabas sa maraming plataporma. Mas maraming content, mas maraming trabaho.
“Kaya ang ABS-CBN ay unti-unti na namang nagbubukas ng mga oportunidad,” lahad pa ni Vice Ganda.
https://bandera.inquirer.net/284728/naranasan-ko-na-pong-parang-kinalaban-ako-ng-buong-mundo
https://bandera.inquirer.net/300489/neri-chito-7-years-nang-kasal-you-are-the-best-dad-and-the-best-husband-wala-na-kaming-mahihiling-pa
https://bandera.inquirer.net/311662/zanjoe-kylie-wala-nang-ilangan-nang-gawin-ang-sex-scene-sa-sagada-pareho-kaming-game