‘Best-of-3’ ng FEU, La Salle umpisa ngayon

Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
4 p.m. La Salle vs FEU

PAGLALABANAN ngayon ng De La Salle University at Far Eastern University ang number two seeding at twice-to-beat advantage sa 76th UAAP men’s basketball playoff game sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Sa ganap na alas-4 ng hapon itinakda ang bakbakan at ito ay tila simula rin ng best-of-three series ng dalawang koponan.
Nangailangan ng playoff dahil ang Green Archers at Tamaraws ay kasalo sa liderato ang National University sa 10-4 baraha.

Awtomatikong nalagay sa number one ang Bulldogs dahil sa mas mataas na quotient para maiwan ang dalawa na magbakbakan.

Ang mananalo sa larong ito ay mangangailangan na manalo pa sa Miyerkules para umabante sa Finals.
Asahan na magiging mainitan ang bakbakan dahil ang Archers at Tamaraws ay naghati sa naunang dalawang tagisan sa elimination round.

Sina Jeron Teng, Almond Vosotros, Jason Perkins, Norbert Torres at Arnold Van Opstal ang magdadala sa La Salle na winalis ang second round habang sina season MVP Terrence Romeo, RR Garcia, Michael Tolomia, Anthony Hargrove at Mark Belo ang mamumuno sa Tamaraws.

Ang NU ay makakaharap ang University of Santo Tomas sa isang pares sa Final Four at magsisimula ito bukas sa nasabing venue.

Read more...