Elisse ibinuking kung bakit nai-stress pa rin si McCoy kahit may mga negosyo at 2 building na

McCoy de Leon at Elisse Joson

IBINUKING ng Kapamilya actress na si Elisse Joson kung ano ang isang bagay na nagiging sanhi ng stress ng live-in partner niyang si McCoy de Leon nitong mga nakaraang buwan.

Ayon sa celebrity mommy, talagang kinakarir ng aktor ang pag-iisip kung anu-ano pa ang pwedeng gawin para mas mapabuti pa ang kanilang buhay para na rin sa anak nilang si Baby Felize.

Pero knows n’yo ba na sa edad 25 ay nakapagpundar na si McCoy ng dalawang building mula sa mga kinita niya simula pa noong magsimula siya sa showbiz?

At ngayong  27 na siya at may sarili na ring pamilya, mas naging masipag pa ang aktor sa pagtatrabaho at paghahanap ng iba pa nilang pwedeng pagkakitaan bukod sa pag-aartista.

“Yan ang ikinaka-stress ni McCoy. Laging kailangan mag-isip pa ng ibang mga gagawin para for safety din namin as a family,” pagbabahagi ni Elisse patungkol sa kanyang partner sa virtual mediacon ng reunion movie nilang “Habangbuhay” mula sa Viva Films.

“Dapat meron kaming back-up plan. Palagi naming pinag-uusapan ang investments, starting a business,” sabi pa ni Elisse.

Dagdag pang pahayag ng aktres, “Yung current business, dadagdagan, kasi nga alam namin, even if we are both actors at nandito kami sa showbiz industry, hindi naman laging magkakaroon ng opportunities.

“So, habang may time na wala, at least, we have something to do. Yun nga, ang business namin, jewelry and investments sa properties,” chika pa niya.

Ayon naman kay McCoy, napakalaking tulong ng mga natutunan niya mula sa kanyang parents na siyang nagturo sa kanya upang maging wais sa paghawak ng pera at pagpapatakbo ng negosyo.


Pero bukod daw sa nga naipundar nilang mga ari-arian at negosyo ni Elisse, ang pinakamahalaga pa rin daw sa lahat ay pagmamahal, pagpapahalaga at pagtanaw ng utang na loob sa kanilang pamilya at mga tagasuporta.

“Lagi kong sinasabi, yung mga natutunan namin mula sa mga magulang namin. Ngayon, nag-iipon kami at lalo ngayong pandemic, yung mga natutunan namin sa parents namin, ina-apply namin.

“Awa ng Diyos, sobrang nakakatuwa. Thankful kami, like ito, meron po kaming trabaho. Meron pa rin mga naniniwala sa amin, fans namin na nandiyan din para sa amin at sa mga pamilya namin.

“Yung mga bagay na yun, for us, investments din. Nakakatuwang isipin na meron kaming ganoon. Ang money, mawawala ‘yan, pero hangga’t maaari, kung kaya na makapag-ipon, nag-iipon,” lahad ng aktor.

Samantala, sa tanong naman kung anu-ano ang nabago sa buhay niya simula nang magkaroon ng sariling pamilya, “For me, wala naman ako halos na-give up kasi inihanda ko na ang buhay ko na gusto ko.

“Masaya ako na may napapasaya akong mga tao na mahal ko, which is my family. Kaya ngayon, may family ako na sarili ko talaga. Sabi ko nga kay Elisse at saka kay Felize, ‘Priority ko kayo.’

“Yung mga ginagawa ko noon, mag-work or family. May konting hirit lang na pang-sarili pero priority ko yung family,” aniya pa.

Samantala, matapos ang halos tatlong taon, magsasama muli sina McCoy at  Elisse sa isang pelikulang siguradong pupukaw ng inyong mga damdamin, ito ngang “Habangbuhay”. Handog ng Vivamax, ito ay available na for streaming simula sa April 22.

Si Elisse ay gumaganap bilang Bea.  Dahil sa sakit na Common Variable Immune Deficiency (CVID), mababa ang proteksyon ng kanyang katawan laban sa iba’t ibang impeksyon, kaya naging taong-bahay na lamang si Bea.

Kahit maraming ipinagbabawal ang kanyang inabg si Lily (Yayo Aguila), nananatiling masayahin at may positibong pananaw sa buhay si Bea. Nag-e-enjoy siya sa kanyang sariling mundo na puno ng musika, pangarap at imahinasyon.

Live streaming ang kanyang paraan para makasalamuha ang ibang tao.  Sa kabila ng lahat, masasabing maayos pa rin ang lagay ni Bea.

Si McCoy naman si JR, ang houseboy ng kanilang pamilya.  Noong bata pa lang ito ay kinupkop na siya ng yaya ni Bea nang makitang palabuy-laboy sa lansangan na parang wala sa sarili.  Lumaking seryoso si JR.

“Sad boy” ang pagsasalarawan niya sa kanyang sarili. Naging magkalapit sila ni Bea dahil sa interes nila sa musika, hanggang tuluyan na nga silang ma-in love. Mas binibigyang kulay ni JR ang mundong nakasanayan ni Bea, at para sa kanya, ang binata ang kanyang “safe space”.

Pero bigla na lang lumayo sa kanya si JR kaya paano na ang pangako nitong magtatayo sila ng sariling pamilya at magsasama habangbuhay?

Ang “Habangbuhay” ay mula sa direksyon ng award-winning filmmaker na si Real Florido na nanalong Best Director sa London Film Awards at nagwagi ng Best Feature Film sa Canada International Film Festival para sa pelikulang “1st Ko Si 3rd”.

Nakatanggap rin ang pelikulang ito ng Gender Sensitivity Award sa QCinema International Film Festival.

Mag-subscribe na sa Vivamax sa web.vivamax.net at saksihan ang kakaibang chemistry ng McLisse sa “Habangbuhay”.

https://bandera.inquirer.net/309919/mccoy-laging-tinatanong-kung-kailan-pakakasalan-si-elisse-ayaw-naming-biglain-ayaw-naming-madaliin

https://bandera.inquirer.net/296589/part-2-ng-love-story-nina-mccoy-at-elisse-nagsimula-nang-dahil-sa-jacket-nadaan-sa-signs
https://bandera.inquirer.net/296586/mccoy-elisse-pinag-usapan-kung-bakit-sila-naghiwalay-noon

Read more...