NAGDESISYON ang pamilya ng mga bokalista ng Ben&Ben na sina Miguel at Paolo na idaos ang kanilang Holy Week sa Bicol.
At dahil nga nandoon na rin sila ay napagpasyahan na nilang bisitahin ang pamilya ni Vice President Leni Robredo sa Naga City.
Labis na humanga ang pamilya ng Ben&Ben vocalists dahil sa simpleng pamumuhay ng mga Robredo na ikinuwento ni Paolo sa kanyang social media accounts.
“’Yung itsura ng bahay nila, simple lang pero maganda. Tama lang yung laki. ‘Di marangya, di rin maliit. Tama lang. Pero matagal din daw nilang ipinundar, at pinag-ipunan. Parang tayo lang. ‘Yung hinanda nilang pagkain para sa’min, ganun din. ‘Di marangya pero pinaghandaan, at masarap,” pagbabahagi ni Paolo.
Nakakwentuhan daw nila ang magkakapatid na sina Aika, Tricia, at Jillian patungkol sa buhay-buhay gaya ng kanilang mga hobbies, studies, buhay pagbabanda at mga kwento sa likod ng mga hit single ng Ben&Ben.
“Tapos, katabi ko si VP Leni, kumakain. Naririnig kong nag-uusap sila nila mama. Napansin ko, si VP Leni talaga yung lodi tita mong malalim at alam yung ginagawa niya sa buhay. Sobrang kalmado lang niya,” pagpapatuloy ni Paolo.
Aniya, sa kabila ng pagiging kalmado ng bise presidente ay mararamdaman mo ang “husay at galing” nito dahil sa talas nito sa mga mga detalye.
“Hindi lang dahil sa talas ng isip niya, pero mafifeel mo puso niya dahil sa husay niyang makinig. Yung mga detalye ng mga sinasabi ko, tanda pa niya, at may puso niyang inuulit. Ta’s di lang samin ah, pati sa bawat isa sa team/staff niya. Para silang malalim na magkakaibigan,” sey pa ni Paolo.
Mas lalo siyang humanga dahil napapanatili ng mga ito ang maging kalmado sa kabila ng kani-kabilang isyung ibinabato sa kanila ngayong eleksyon.
“Narealize ko, baka simple lang. Pag totoo ka sigurong tao, at marangal yung pinaglalaban mo, kahit pa anong bigat ng dadalhin mo, payapa ka. Kalmado ka. Kahit pa tatakbo ka nang Presidente ng Pilipinas.
“Maliban dun, baka kalmado si VP Leni kasi kahanga-hanga yung tibay niya. Alam niya yung bigat ng kailangan niyang harapin, pero subok na siya ng panahon para harapin ito,” pagbabahagi ni Paolo.
Saad ng binata, isa lang ang kwentong ito sa mga personal experiences nila kasama si VP Leni pero nais nila itong i-share sa madlang pipol at para na rin mas makilala ng madlang pipol ang kaniyang sinusuportahang kandidato.
“Huwag na natin sayangin yung ganitong klaseng lider. Mahihirapan tayong makakakita ng ganitong klaseng taong tumatakbo hindi lang para sa bayan, kundi para sa bawat isa sa atin,” giit ni Paolo.
Related Chika:
Ben&Ben todo papuri sa SB19: Mga totoo silang tao, saludo kami sa inyo!
Ben&Ben tinupad ang pangarap ng SB19: Nagsisimula pa lang kami talagang idol na namin sila
Ilang miyembro ng Ben&Ben nag-positive rin sa COVID-19, concert sa Dubai hindi na muna itutuloy