NAGSAMA-SAMA nitong nagdaang Easter Sunday ang mga supporter ng social media influencer na si Francis Leo Marcos para sa isang grand caravan na nagsimula sa Quirino Grandstand.
Pinangunahan ito ng Filipino Family Club, Inc. (FFCI) at Francis Leo Marcos for Senator Movement na nagpu-push sa kandidatura ng nasabing personalidad na mas kilala sa socmed bilang si FLM.
Naging payapa naman ang caravan at hindi ininda ng mga nakiisa ang init ng araw habang nakasakay sa motorsiklo. Dala-dala nila ang slogan ng senatorial candidate na “Bagong Mukha. Bagong Pag-Asa.” Nakilala si FLM sa kanyang viral vlog na “Mayaman Challenge” kung saan namigay siya ng bigas at pera.
Naging laman din siya ng balita dahil sa umano’y pang-i-scam na pinabulaan ng kanyang team at sinabing ito’y pawang paninira lamang.
Ngayon ay nasa kulungan si Marcos. Pero patuloy pa rin daw ang pagtulong nito sa mga tao. Narito ang pahayag ng kampo ni Marcos na ipadala ng kanyang Spokesperson/Chief Legal Counsel.
“Ito ang mensaheng gustong iparating ni Francis Leo Marcos sa bawat Pilipino. Siya po ay kasalukuyang nakakulong ngunit sa kabila ng kanyang kalagayan at pinagdadaanan ngayon ay hindi po ito naging hadlang sa kanyang mithiin na makapaglingkod sa bayan lalung-lalo na po sa mga mahihirap at pati na rin sa mga middle income family.”
“Ipinapangako ni FLM ang masaganang hapag kainan at murang mga bilihin sa pamamagitan ng pagtanggal ng buwis sa lahat ng uri ng pagkain hindi lang galing sa palengke pati mga delata at galing sa restoran dahil karapatan ng bawat Pilipino ang makakain ng masasarap at masusustansyang pagkain.
“Tutulungan din niya ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga libreng punla upang makapagtanim ng mga higanteng gulay gaya ng kalabasa, talong at okra para lahat ay may sapat na pagkain at hindi na kailangan mag-angkat pa.
“Magbibigay din siya ng mga libreng fertilizer o abono sa lupa para magkaroon nang sapat na supply ng bigas at mga gulay at palalakasin ang mga patubig at isusulong ang mga reporma sa agrikultura.
“Ang sabi ni Dr. Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero nais baguhin ito ni FLM. Para sa kanya, ang kabataan na may sapat at kalidad na edukasyon ang pag-asa ng bayan.”