Edu naaliw sa media advisory ng ‘Mga Gwapo For Leni’, muntik magpa-presscon dahil kay Piolo

Piolo Pascual

IBINAHAGI ng TV host-actor na si Edu Manzano ang isang media advisory mula sa social media page ng “Mga Gwapo for Leni” dahil sa kanilang sinabi patungkol sa Kapamilya Heartthrob na si Piolo Pascual.

Sa kanyang Instagram ay ini-repost ng aktor ang mismong artcard ng grupo na may laughing emoji bilang caption.

Ang artcard ay patungkol sa grupo na kamuntikan nang magpa-presscon dahil sa ama ni Inigo.

“Muntik na po kaming mag-presscon. Kasi simula nang lumabas yang si Piolo Pascual for Leni Robredo nasapawan na kami. Mas madaming kinilig at tumili para sa kanya,” umpisa ng grupo sa kanilang statement.

“Pero bago namin bayaran ang down payment sa Manila Pen, napaisip kami. Baka mabawasan ang fan base namin pag ipilit pa namin ang ordinaryo naming kagwapuhan sa mala-anghel niyang kagwapuhan,” pagpapatuloy nito.

Dagdag pa nila, hindi na raw nila itutuloy ang kanilang pa-presscon dahil tinanggap na nila na hindi sila si Piolo.

“Kami’y ordinaryong gwapo lang at dapat matuwa na kami sa mga fans namin sa aming barangay, sitio, purok, at subdivision.

“Masaya na kami doon at tanggap namin ito. Mas gwapo samin si Piolo Pascual.”

 

 

Sey naman ng netizens, isa itong satirikal na patutsada sa naganap na joint press conference ng mga presidential candidates na sina Isko Moreno, Ping Lacson, at Norberto Gonzales kasama ang mga vice presidential candidates na sina Willie Ong at Tito Sotto III na ginanap nitong April 17 sa Manila Peninsula Hotel.

Ang naturang press conference ay para ipahayag sa publiko na magpapatuloy sila sa laban at walang aatras sa kanilang pagtakbo ngayong eleksyon.

Bukod sa kanilang anunsyo ay ang hamon na mag-withdraw sa kandidatura si Vice President Leni Robredo na pumapangalawa sa survey sa mga tumatakbo bilang presidente ng bansa.

Samantala, ibinahagi rin ng official Twitter page ni Piolo Pascual ang naturang media advisory ng “Mga Gwapo for Leni” na may caption rin na laughing emoji.

At muli na namang naungusan ng aktor sa kagwapuhan ang grupo dahil sa isang video na ibinahagi nila sa kanilang Twitter page, makikitang may pa-shoutout si VP Leni Robredo sa aktor.

“Hi Piolo kung nanonood ka. Thank you very much for the support. Siguro nakarating na sa ‘yo na even before that I’m such a huge huge fan so ‘yung pag-declare mo ng support, it really meant the world so maraming salamat,” saad nito.

 

Related Chika:
Edu Manzano, Cherry Pie Picache bet pang magka-baby: Ang ganda siguro ng anak natin

Piolo, Regine ibinandera na ang tunay na ‘kulay’: Ang totoong unity ay pagkakaisa ng taong bayan, Filipino para sa kapwa Filipino

Edu, Cherry Pie naging magdyowa na 20 years ago: Tahimik lang kami noon, it was almost a year

Read more...