DALAWA sa mga hindi kayang i-tolerate ng award-winning veteran director na si Joel Lamangan kapag nagtatrabaho siya ay ang kawalang respeto ng mga artista at pagdating nang late sa set.
Ipinagdiinan ni Direk Joel na super hate na hate niya ang mga dumarating sa shooting o taping nang lagpas na sa kanilang calltime lalo pa’t hindi pa handa ang mga ito sa kanilang mga gagawing eksena.
Sa ginanap na face-to-face mediacon pagkatapos ng story conference ng bagong pelikula ni Direk Joel, ang “Fall Guy”, natanong siya kung ano ang mga advice na maibabahagi niya sa mga baguhan pa lamang sa showbiz.
Unang-una raw, bukod sa talent, kailangang disiplinado at marespeto ang mga artista, lalo na sa production staff. Hindi raw pwede sa kanya yung minamaliit ang mga nagtatrabaho sa produksyon.
“Hanggang sa pinakamaliit na tao sa set dapat iginagalang ng artista. Dapat marunong siyang makisama sa lahat. Kung hindi, palalayasin ko siya sa set. Ginagawa ko talaga yan,” sey pa ng premyadong direktor.
Dagdag pa niya, “Ayoko rin nang late! Ayaw ko nu’n. Talagang makakarinig ka sa akin kung sino ka man! Si Nora (Aunor), si Vilma (Santos), si Sharon (Cuneta), kung sino man, si Juday (Judy Ann Santos) — lahat ‘yan nakarinig sa akin kapag nale-late.
“Walang karapatan na mag-antay ang 150 people sa isang tao. Kaya dapat on time. Cost ng production yun pag nale-late. Hindi dapat,” katwiran ni Direk Joel.
Sa tanong naman kung ano ang reaksyon niya sa mga nagsasabing isa siyang “terror director”, “Hangga’t hindi ko pa sila nakakatrabaho, wala silang karapatan na tawagin akong terror. So, sana huwag nilang paniwalaan agad yan.”
Paliwanag pa niya sa isang hiwalay na panayam, “I just become a terror to those who are not responsible and do not fulfill their duties as actors in the film. Those who don’t know what they’re doing or refuse to know what they are doing.
“Galit ako sa palaging late or those who make people wait, parang si Queen Elizabeth. I’d really reprimand them and correct their attitude. Lalo na ang mga artistang masama ang pagtingin sa maliliit na trabahador sa pelikula.
“Ayaw na ayaw ko noon. Talagang sinasabihan ko sila. That’s why I’ve been called terror because I’ve been telling actors what they should not be doing. Maybe that’s why they’re angry.
“Kapag ang artista ay preparado at alam naman nila ang kanilang ginagawa, kapag may mga tanong sila sa akin bago nila gawin ang eksena, wala naman silang maririnig sa akin,” paliwanag pa niya.
Samantala, aminado naman ang award-winning actress na si Glydel Mercado, na inaatake pa rin siya ng matinding kaba kapag katrabaho si Lamangan.
“Hanggang ngayon may nerbyos pa rin ako kay Direk Joel. Reunion project namin ito, kaya kinakabahan pa rin ako hanggang ngayon. Kaya relax lang direk ha, I love you,” natatawang chika ni Glydel na ang tinutukoy nga ay ang suspense-drama na “Fall Guy.”
Noong 1999, nakasama si Glydel sa Joel Lamangan movie na “Sidhi” kung saan naka-grand slam siya bilang best-supporting actress.
Sabi pa niya, “Disiplina talaga ang matututunan ninyo kay Direk Joel. Yan lataga ang maipagmamalaki ko.”
Dream come true naman para sa isa pang veteran actress at singer na si Tina Paner ang makatrabaho sa “Fall Guy” si Direk Joel.
“Noong nabasa ko sa text na si Joel Lamangan ang makakatrabaho, nagdasal talaga ako. First time ko po na makakawork ang isang mapakagaling na Direk Joel Lamangan. Sabi ko, ‘Dyos ko! Eto na yung kaba ko.’ Pero at least makakatrabho ko ang isang napakagaling na director,” pahayag ni Tina.
Ang “Fall Guy” ay pinagbibidahan ni Sean de Guzman at kasama rin sina Shamaine Buencamino, Vance Larena, Cloe Barreto, Quinn Carillo, Marco Gomez, Karl Aquino, Jim Pebanco, Pancho Carrillo, Mark Cardona, Tiffany Grey, Azekah Alvarez, Nisa Ortiz, Hershie de Leon at Itan Magnaye.
https://bandera.inquirer.net/309921/joel-lamangan-nagpakatotoo-maraming-direktor-na-bago-pa-lang-ay-mayayabang-na-huwag-ganyan
https://bandera.inquirer.net/306652/joel-lamangan-bumilib-kay-kit-thompson-all-out-siya-sa-pagiging-daring-walang-tanong-tanong
https://bandera.inquirer.net/294094/joel-lamangan-puro-baguhan-ang-katrabaho-pandemic-na-nga-matanda-pa-ba-ang-kukunin-ko