HINIHINTAY ngayon ng mga netizens ang magiging depensa ni Claudine Barretto tungkol sa umano’y panggagamit niya sa yumaong boyfriend na si Rico Yan sa pagsabak niya sa politika.
Ito’y matapos ngang ibandera ng aktres na kung buhay lang daw si Rico ay siguradong ang kandidatura sa pagkapangulo ni dating Sen. Bongbong Marcos ang susuportahan nito.
Kasunod nito, para ipamukha raw kay Claudine na hindi totoo ang kanyang sinabi ay biglang lumabas sa social media ang isang Martial Law documentary kung saan si Rico Yan ang nagsilbing host.
Tumatakbong councilor ngayong eleksyon ang aktres sa Olongapo City at lantaran na rin ang pagsuporta niya sa presidential bid ni Bongbong Marcos pati na sa running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Our whole family is BBM (Marcos Jr.), only Marjorie and her kids are Leni,” sey ni Claudine. Alam naman ng lahat na si Vice President Leni Robredo ang ikinakampanya ng kapatid niyang si Marjorie.
Dagdag pang sabi ni Claudine, “Rico is a true blooded Marcos (supporter) and admires BBM, also President Duterte, when we met all in person in Davao.”
Kasunod nga nito ang paglabas ng isang dokumentaryo mula sa dating programa “The Correspondents” na tumatalakay nga sa Martial Law. Ilang video clips ng nasabing docu ang kumakalat ngayon sa socmed para kontrahin si Claudine.
Ang nasabing documentary ay umere sa ABS-CBN noong September, 1999 at muling ipinalabas noong 2002 nang mamatay ang dating matinee idol.
“Ipinangako ni Marcos ang isang bagong lipunan, parang isang fantasy land, at si Marcos ang bidang superhero. He was the judge, jury, and executioner,” ang bahagi ng pahayag ni Rico sa nasabing docu.
Dito mapapanood din ang pakikipag-usap ng aktor kay Satur Ocampo, isa sa nga political prisoner noong Martial Law era na kalauna’y naging congressman. Nabanggit nga rito ni Satur ang tungkol sa lolo ni Rico na si former Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Manuel Yan, Sr..
“Ang lolo mo, si Gen. Yan, did not believe that Marcos needed to declare Martial Law, kaya umalis siya. Iba ang kanyang pagtingin, hindi pareho ng kay Marcos. It turned out later that he was correct,” pahayag no Satur Ocampo.
Samantala, isa pa sa naglabas ng resibo na walang katotohanan ang sinabi ni Claudine ay ang talent manager na si Noel Ferrer.
Nag-post ito ng isang litrato sa socmed na kuha sa anniversary celebration ng EDSA People Power na nagpatalsik sa mga Marcos mula sa pwesto.
“I was with Rico Yan at the EDSA People Power Anniversary that celebrated the overthrowing of a dictator plus his family and cronies.
“Let us not use his memory in vain or for personal gains. Rico – and his family for that matter, deserve better,” ang caption ni Noel sa nasabing litrato.
Habang sinusulat namin ang balitang ito, wala pang inilalabas na pahayag si Claudine. Bukas ang BANDERA sa magiging depensa ng aktres sa isyung ito.
https://bandera.inquirer.net/309415/claudine-naiyak-sa-paggunita-ng-death-anniversary-ni-rico-yan-personal-na-inimbita-ng-ina-ng-yumaong-aktor
https://bandera.inquirer.net/310701/claudine-barretto-nagpakita-ng-suporta-kay-bongbong-marcos-pero-bakit-nakaladkad-sa-isyu-si-rico-yan
https://bandera.inquirer.net/279561/hugot-ni-claudine-tungkol-sa-taong-sinungaling-ipokrita-para-nga-kaya-kay-julia