ABOT-LANGIT pa rin ang pasasalamat ng veteran actress na si Nova Villa na buhay na buhay pa rin siya hanggang ngayon pagkatapos makipaglaban sa COVID-19.
Isa ang beteranang aktres sa mga artistang nag-shooting sa Baguio City noong August, 2021, na tinamaan ng Delta variant ng COVID-19. Ito yung pelikulang pinagbibidahan ni Arjo Atayde.
Na-confine sa ospital ang aktres at nanatili roon nang ilang araw hanggang sa kanyang paggaling. Ayon kay Nova Villa, ang feeling talaga niya that time ay nasa hukay na ang isa niyang paa.
Bukod kasi sa matinding variant ng COVID-19 ang tumama sa kanya ay nagkaroon din siya ng pneumonia. Kaya naman itinuturing niyang himala ang kanyang paggaling.
“Nagpapasalamat akong mabuti, unang-una sa Panginoon, sa lahat ng mga biyaya, grasya,” pahayag ni Nova kahapon sa ginanap na online presscon ng bagong Kapuso series na “False Positive”.
Sabi pa ng veteran star, talagang napakalakas daw ng powers ng pagdarasal. Knows n’yo ba na dalawang beses siyang nagsisimba sa isang araw? Ganu’n katindi ang kanyang faith kay Lord.
Feeling blessed din daw ang aktres dahil sumakto rin ang pagdiriwang ng kanyang 76th birthday kahapon, April 13, sa mediacon ng bago niyang show sa GMA na pinagbibidahan nina Xian Lim at Glaiza de Castro.
Sabi pa ni Nova, “Talagang Siya lang, Siya lang ang nagbigay nitong lahat at ganoon din, sa lahat ng creative writers dahil naisip niyo ako (na isama sa False Positive).
“Thank you so much because I really did enjoy my role so much. Ang ganda ng role ko. I hope na nagampanan ko naman nang mabuti,” aniya pa.
In fairness, puring-puri ng buong production ang beteranang komedyana dahil sa galing nitong magpatawa at magbitiw ng punchlines sa mga eksena niya sa upcoming Kapuso romcom series.
“Yun naman po talaga ang hangad ko noong araw pa, yung mga nanonood sa akin, gustung-gusto ko silang mapasaya.
“That is why when I had my radio program at Radio Veritas, alam ko na tumatawag yung listeners.
“Sabi nila, and also yung may mga edad na nanonood ng mga pelikula ko, ‘Alam mo, Nova, nakakalimutan ko yung sakit ko kapag napapanood kita.’ Itong ating mga lola, mga nanay, may mga nararamdaman na.
“Totoo naman yun na kapag tumawa ka nang tumawa at naka-concentrate ka sa pinapanood mo, ang totoo, hindi mo nare-realize masakit yung rayuma mo.
“Alam ko yun, that is why I’m doing my best kung paano ko sila mapapasaya para makalimutan nila kahit sandali man lang yung mga sakit nila at nagawa ko.
“That is why I realized na my ambition to be a good actress became a mission,” sabi pa ni Nova Villa na itinuturing na ring living legend sa showbiz industry.
Magsisimula na sa darating na May 2 ang “False Positive” sa GMA Telebabad.
https://bandera.inquirer.net/301788/ivana-nag-celebrate-ng-25th-birthday-sa-p1-m-per-night-na-hotel-walang-matutulog-walang-pipikit
https://bandera.inquirer.net/284884/miss-canada-nova-stevens-may-mga-death-threats-na-nag-sorry-kay-michael-cinco