Robi dismayado sa education system sa Pinas dahil sa #MaJoHa: Sa una, nakakatawa pero habang tumatagal, ‘di na nakakatuwa

Robi Domingo

DISMAYADO rin ang Kapamilya TV host na si Robi Domingo sa education system sa bansa matapos mag-viral ang kapalpakan ng ilang “Pinoy Big Brother” season 10 housemates.

Hanggang ngayon ay mainit pa ring pinag-uusapan ang pagtawag ng mga “PBB” teen housemates sa tatlong Filipinong paring martir na “GomBurZa” bilang “MaJoHa.”

Mabilis na kumalat sa social media ang video clip mula sa isang episode ng nasabing Kapamilya reality show na unang in-upload sa Twitter last April 10.

Dito mapapanood ang pagsabak ng mga teen housemates na sina Kai Espenido at Gabb Skribikin sa isang challenge ni Big Brother na mala-Quiz Bee kung saan nagsilbi ngang “history teacher” si Robi.

Tanong ng TV host, “Ang tatlong Catholic priests na sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora na hinatulan ng kamatayan noong panahon ng Kastila ay mas kilala sa tawag na ____.”

Si Kai ang unang pumindot ng buzzer at ang kanyang sagot, “MarJo… Hindi, wait lang, nakalimutan ko yung mga apelyido. Wait lang po, mahina po talaga ako sa (history).”

Sagot naman ni Gab na dating MNL48 member, “MarJo… Ay, MaJoHa?” Natawa naman si Robi sa sagot ng dalawa, “Majoha (mabaho) ba ako? Hindi naman ako majoha.”

Bukod dito, natanong din ni Robi sina Kai at Gab kung ano ang palayaw ni Jose Rizal. Sagot ni Kai, “J. Rizal.” Si Gab ang nakakuha ng tamang sagot na “Pepe.”


Ngunit muling sumablay si Gab nang tanungin ni Robi kung ano pinakamahabang tulay sa Pilipinas na nagdudugtong sa Samar at Leyte. Sagot ng teen housemate, “SLEX!”

Pagkatapos ngang maging trending topic ang “PBB” at mag-viral ang #GomBurZa at #MaJoHa ay naghayag ng saloobin si Robi sa pamamagitan ng Twitter.

“Sa una, nakakatawa pero habang tumatagal, ‘di na nakakatuwa. Sana maging daan ito para makita kung ano ang kakulangan sa sistema ng ating edukasyon,” sabi ng TV host kasabay ng panawagan sa mga content creators at vloggers “to battle #MaJoHa.”

https://bandera.inquirer.net/295848/robi-domingo-sinagot-ang-paratang-na-ginagamit-niya-si-maymay

https://bandera.inquirer.net/285091/robi-umaming-selosong-dyowa-parang-napapraning-ako
https://bandera.inquirer.net/309411/aj-raval-viral-na-naman-hirit-ng-netizens-parang-lasing-na-nag-videoke-sa-concert-sa-cebu

Read more...