JV Ejercito hindi pinangarap mag-artista; mga taga-showbiz makikinabang din sa Universal Healthcare Law

JV Ejercito

AMINADO si dating Sen. JV Ejercito na wala siyang budget para kumuha ng mga celebrity para mag-endorse sa kandidatura niya sa pagtakbo uli sa Senado ngayong May 9 elections.

Pero aniya, may ilang kaibigan naman siya mula sa entertainment industry na kahit paano’y tumutulong para maikampanya siya ngayong Halalan 2022.

Kabilang sa mga nabanggit niyang mga artista ay sina Vina Morales at Jason Abalos na matagal na raw niyang mga kaibigan.

Sabi ng senatorial candidate na isa sa mga unang inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte, kasama raw ang mga taga-industriya ng pelikula at telebisyon sa mga makikinabang sa mga batas na magagawa niya sakaling mabigyan uli ng pagkakataon sa Senado.

Isa na nga rito ang full implementasyon ng Universal Healthcare Law kung saan nakapaloob ang Health Facilities Enchancement Program na naglalayong makapagpatayo ng specialty centers sa iba’t ibang panig ng bansa.

Natanong namin ang politiko sa kanyang face-to-face mediacon kahapon kung nakikipag-usap na rin ba siya sa iba’t ibang grupong sakop ng showbiz industry kabilang na ang AKTOR PH na pinamumunuan ni Dingdong Dantes para maisama rin ang mga members nito sa Universal Healthcare Law.

Sabi ni JV, lahat naman daw ng Filipino na nangangailangan ng tulong pangkalusugan ay sakop ng nasabing batas kaya siguradong mabibigyan din ng tulong ang mga taga-showbiz.

Aniya pa, “Yung mga savings ng ibang departamento, tingnan po natin, ilagay na lang natin sa universal healthcare, para naman maramdaman ito ng bawat Filipino,” aniya.

“I feel that it is my mission and obligation to finish and oversee the implementation of the Universal Healthcare Law, especially in its infancy.

“Kasi noong naipasa siya ng 2019, first year of implementation noong 2020, nagkaroon naman ng pandemic. So, that’s why I decided to run.

“I think that this pandemic will be here to stay. Di pa tapos ang laban natin dito. We really have to fight this pandemic together and yung UHC, I think, will help in this fight against the pandemic,” diin pa ng kumakandidatong senador.

On a lighter note, nabanggit din ng dating senador na feeling artista raw siya kapag nangangampanya sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil may pagkakataon na pinagkakaguluhan din siya ng mga tao.

Kaya naman natanong namin siya kung naisipan din ba niya noon na mag-artista tulad ng kanyang amang si former President Joseph Estrada at kapatid na si Jinggoy Estrada.

Sabi ni Sen. JV, parang hindi naman daw siya artistahin para pangarapin na pumasok sa showbiz, hayaan na lang daw yung may mga talent talaga sa akting ang mag-artista.

Aniya pa, mas ginusto talaga niya ang public service dahil noon pa man ay ang pagtulong na sa kapwa ang nais niyang pagtuunan ng pansin.

https://bandera.inquirer.net/292601/angel-pinalakas-ang-loob-ng-mga-bayaning-health-workers-i-feel-you-thank-you

https://bandera.inquirer.net/293563/bianca-gonzalez-hindi-gawa-gawa-ang-kwento-ng-martial-law-victims

https://bandera.inquirer.net/282818/kaye-abad-kumikita-lang-ng-p800-noon-kada-taping-nagbigay-ng-tips-sa-mga-gustong-mag-artista

 

Read more...