Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:15 p.m. San Mig Coffee vs Meralco
7:30 p.m. Global Port vs Barangay Ginebra
Team Standings: Petron Blaze (8-1); San Mig Coffee (5-3); Meralco (5-3); Rain or Shine (5-4); Alaska Milk (4-4); Barako Bull (4-5); Barangay Ginebra (3-4); Global Port (3-5); Talk ‘N Text (2-6); Air21 (2-6)
TWICE-TO-BEAT advantage sa quarterfinals ng 2013 PBA Governors’ Cup ang pipiliting sungkitin ng San Mig Coffee at Meralco sa kanilang salpukan sa ganap na alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Pagpasok naman sa quarterfinals ang puntirya ng Barangay Ginebra San Miguel at Global Port na magkikita sa alas-7:30 ng gabi na main game.
Kapwa may 5-3 records ang Mixers at Bolts na nasa ikalawang puwesto sa likod ng Petron Blaze (8-1) na nakasiguro na ng twice-to-beat advantage sa susunod na yugto.
Ang magwawagi mamaya ay makakasikwat ng twice-to-beat bonus pero puwede rin itong makuha ng matatalo depende sa resulta ng mga natitirang laro.
Dalawang datihang imports ang magpapasiklaban at ito’y sina Marqus Blakely ng San Mig Coffee at Mario West ng Meralco.
Bagamat mas mahusay na scorer si West ay mas magaling namang all-around performer si Blakely.
Kumpleto na rin ang line-up ng San Mig Coffee dahil nakabalik na sina Marc Pingris at Joe Devance buhat sa suspensyon.
Nanumbalik na rin ang scoring ng two-time Most Valuable Player na si James Yap na sinusuportahan nina Peter June Simon, Mark Barroca at Allein Maliksi.
Si West ay tinutulungan naman nina Mark Cardona, Reynell Hugnatan, Chris Ross at bagong lipat na sina Mike Cortez at James Sena na galing sa Air21.