INILANTAD na ng dalawang Kapamilya superstars na sina Piolo Pascual at Regine Velasquez ang tunay nilang “kulay” ngayong panahon ng eleksyon.
Sa kani-kanilang Instagram account, ibinandera nina Regine at Piolo na ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo para sa pagkapangulo ang kanilang sinusuportahan.
“Ganito ang totoong hitsura ng unity,” ang simulang pagbabahagi ni Piolo sa kanyang mensahe sa IG ngayong araw, April 11, na mapapanood sa isang video clip patungkol sa mga campaign rally ng partido ni VP Leni sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito ang unang pagkakataon na lantarang inihayag ni Piolo sa publiko ang kanyang political stand ilang linggo bago ang May 9, 2022 elections.
“Ang kampanyang ito ay hindi na tungkol sa iisang pamilya o kandidato, kundi para sa Pilipinas na gusto nilang ipamana sa ating lahat.
“Ang totoong pagkaisa ay inspirasyon at panawagan na tayong lahat ay gumawa ng kabutihan.
“Sure ako, totoo at malalim ang unity ng mga Pilipino kung tapat, mahusay, at mabuti ang namumuno.
“Hindi ito yung pagkakaisa ng political dynasty para sa sarili nilang interes.
“Ang totoong unity ay pagkakaisa ng taong bayan—Pilipino para sa kapwa Pilipino.
“Iisa lang ang taong nagpakita at nagparamdam niyan sa atin sa loob ng maraming taon,” pahayag ng aktor at movie producer kasunod ng pagbanggit sa pangalan ni VP Leni.
Kung matatandaan, sa isang panayam sinabi ni Piolo na si Pangulong Rodrigo Duterte ang ibinoto niyang presidente noong nagdaang eleksyon pero aniya, hangga’t maaari ay ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa politika.
Noong kasagsagan naman ng isyu sa pagpapasara sa ABS-CBN ay na-bash ang binata dahil parang wala raw itong malasakit sa kanyang mother network.
Samantala, ngayong araw din nag-post ng video sa IG ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez para ihayag ang kanyang suporta kay VP Leni.
Kahapon, April 10, ibinandera ni Regine sa Instagram ang kanyang video message tungkol dito kung saan nabanggit nga niya na mas liliwanag daw ang kulay ng buhay kapag si Leni at si Kiko ang mananalo.
Nagpasalamat naman si Megastar Sharon Cuneta, asawa ni Sen. Kiko kay Regine, “Thank you, dearest Nana! We have NEVER asked any of our friends in showbiz to endorse or campaign for Kiko since 2001, preferring to pray for at least some of them to come and tell us instead.
“And we have been so blessed by those who reached out to us because they wanted to support Kiko in their own ways.
“We are forever grateful for such great and loving friends! God bless us all!” mensahe pa ni Sharon para kay Regine.
https://bandera.inquirer.net/298119/aj-raval-may-tinatago-nga-bang-anak-sa-publiko
https://bandera.inquirer.net/307812/kris-aquino-bongbong-marcos-napagbati-ni-lolit-solis-noon-shocked-pa-nga-si-tita-cory-ng-lumabas-sa-news
https://bandera.inquirer.net/287266/aktres-naloka-sa-drama-ng-kilalang-female-star-talagang-dinededma-niya-ko