HANGGANG May 2022 na lang ang teleseryeng “Nina Nino” nina Maja Salvador at Noel Comia Jr. kasama sina Empoy Marquez, Moi Marcampo, Aaron Villaflor, Ian Pangilinan at maraming iba pa mula sa direksyon ni Thop Nazareno na napapanood sa TV5.
Si Maja ang tinanghal na national winner sa Asian Academy Creative Award for Best Actress 2021 at best Drama Series 2021 din ang “Nina Nino” kaya naman galak na galak ang CEO at Presidente ng Cignal at TV5 na si Ginoong Robert Galang sa napakagandang regalo sa kanila sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Nabanggit pa na nasa top 10 lagi ang “Nina Nino” sa ratings game at ilang buwan nasa top ito sa Netflix kaya muling inalok si Maja ng kontrata sa Kapatid network.
Nitong Abril 5 ay pumirma ng kontrata ang aktres na tinaguriang Majestic Superstar na TV5 na ginanap sa Studio 4, Reliance Street, Mandaluyong City.
Naroon sina Ginoong Robert, ang Crown Artist Management (CAM) Chief Executive Officer na si Rambo N. Ortega at Mikki Gonzalez na Chief Operating Officer ng kumpanya nina Maja.
“After Nina Nino, first ever po ay magkakaroon po ako ng sitcom. Nag-start iyan sa Nina Nino and then my good friend, good friend naming si Pooh (komedyane), nasa bahay namin, tapos sila ni Rambo, nag-uusap.
“And then, ‘yung sitcom po na ito ay concept ni Rambo, and then tinulungan siya ni Pooh para mabuo.
“And after that, of course, may good relationship tayo with our Cignal family and TV5 family, with RPG.
“So, nag-present kami, and then nagustuhan nila yung concept. So, eto na yun, mangyayari na.
“Sobrang laking project nito for me dahil first time ni Crown Artist Management na magla-line produce. Ang line producer ay si Crown. So, it’s a partnership with Crown Artist Management and Cignal-TV5,” paglalarawan ni Maja kung paano nabuo ang sitcom.
Bale ito ang breather ni Maja pagkatapos ng “Nina Nino” bago niya simulan ang biggest teleserye ng Cignal at TV5.
“Sobrang excited ako sa teleseryeng yun dahil physically, mentally, emotionally kailangan prepared ako! Isa akong performer dun pero hindi basta-basta performer.
“Dalawa ang partner ko dito. ‘Yung isa, medyo naka-work ko na puwedeng nag-guest sa Nina Nino,”masayang tsika ng aktres.
Sa ikalawang quarter ng 2022 sisimulan ang taping ng sitcom at bago mag 2023 naman sisimulan ang teleserye.
“Yung serye, mas mahuhuli because kailangan ko po talagang mag-training dahil hindi ito basta-basta.
“I think isa ito sa magiging malaking teleserye ng Cignal at ng TV5. Parang sinasabi ni RPG, ‘Bawal mag-relax!’ Ha! Ha! Ha! Ha,” biro ng superstar ng Kapatid network.
Dagdag pa niya “Ang ganda lang talaga ng partnership with Cignal, and of course with TV5. And yun nga, gaya ng sinabi ni RPG, magaan lang talaga.”
Ang produksyong nasa likod ng “Nina Nino” ang gagawa ng biggest teleserye ni Maja at nakausap namin ang Cornerstone Studios CEO at President na si Erickson Raymundo tungkol dito at kinukulit namin kung sino ang dalawang leading man ng aktres.
Hula namin ay sina Piolo Pascual dahil nakakatawid naman siya sa singko lalo’t may partnership sila ng ABS-CBN dahil ang ilang primetime teleserye ay ipinalalabas sa TV5. Nabanggit din namin ang pangalan ni John Lloyd Cruz bilang talent ng Crown Artist Management.
“Hindi ko pa alam kung sino ang makakasama pero definitely it’s not Piolo and John Lloyd, hindi ganu’n kalalaking artists,” katwiran ng bossing ng Cornerstone Studios.
Dagdag pa, “Magmi-meeting pa nga kami, hindi pa plantsado.”
Kaya raw sinabing biggest teleserye ito ng TV5 ay dahil ngayon lang sila gagawa ng ganitong klaseng palabas.
“Magastos ito, sobra,”sambit ni Erickson nang maka-tsikahan namin sa opisina mismo ng Cornerstone Entertainment.
Going back to Maja ay hindi niya maitago ang kanyang kasiyahan sa rami ng proyekto niya sa TV5 at iba-ibang genre pa.
“Sobra! Kasi, iba-ibang genre. Tapos, challenging yun for me dahil iba-ibang genre, so kailangan hindi pare-parehas, di ba? And ang pinaka-excited talaga ako wala pong OA. pero yung teleserye talaga. It’s the same team, with Direk Thop Nazareno,” masayang kuwento ng aktres.
Bukod sa TV5 ay mapapanood din siya sa GMA 7 dahil hindi raw siya pinagbabawalan.
“Opo! Very supportive! Very supportive si RPG (Robert P. Galang),” say ni Maja.
At dahil abala ang aktres sa rami ng gagawin niya ay ibig sabihin malabo pa siyang lumagay sa tahimik.
“Pag dadating po, dadating. Hindi ko rin po alam, e. Huwag din naman nating tanungin ngayon si Rambo! Kumbaga, kung mangyayari po, mangyayari. And yun, ever since naman simula nang maging kami, hindi naman namin ipinagdamot ni Rambo yung story namin. So, kung mangyayari po, huwag kayong mag-alala,” paliwanag ng dalaga.
Binanggit din na wala sa kontratang pinirmahan ni Maja sa TV5 na bawal siyang mag-asawa at magbuntis.
Related Chika:
Maja Salvador wagi bilang ‘Best Actress’ sa Asian Academy Creative Awards
Maja tinanggihang makatambal si Gerald sa ‘Init Sa Magdamag’, respeto lang daw kay Rambo
Dream ni Maja na makasama si Piolo sa isang project, matutupad na!