Ryan Agoncillo na-diagnose ng alopecia sa edad 17, nagpaturok ng steroids

Ryan Agoncillo

NAGBAHAGI ang TV host-actor na si Ryan Agoncillo ng naging journey niya sa pagkakaroon ng “alopecia” na nagsimula noong teenager pa siya.

Sa episode ng “Bawal Judgmental” sa “Eat Bulaga” nitong nagdaang Sabado, April 2, ay naikuwento ng husband ni Judy Ann Santos ang karanasan niya sa paglaban sa alopecia, na isang medical condition na nagreresulta sa paglalagas ng buhok.

Ayon sa MayoClinic.org, “alopecia is usually caused by heredity, hormonal changes, medical conditions or a normal part of aging.”

Nag-open up ang “Eat Bulaga” Dabarkads tungkol dito nang magkuwento ang isang contestant sa “Bawal Judgemental” sa nangyari sa anak niya.

Ayon kay Jenette Pitallar, matindi rin ang dinanas ng yumao niyang anak na si Nicole na naka-experience ng autoimmune disease.

Sabi ni Jenette, lumala ang kundisyon ng anak nang sumailalim siya sa isang uri ng medication ngunit kalaunan ay nagkaroon pa siya ng “acute cancer in the blood.”

Kitang-kita naman ang reaksyon ni Ryan nang marinig ang kuwento ni Jenette, “Nagulat din ako du’n sa sinabi ni Ma’am Jenette kasi ako mismo diagnosed na may alopecia.

“Pero yung sa akin po, mga ganyang edad, 17 nu’ng na-diagnose ako,” lahad pa ni Ryan.

Dagdag pa ng TV host, “Medyo bago po sa pandinig ko Ma’am Jenette na maaari po palang ano, may mga epekto pala na hindi lang sa hair loss ang alopecia.”


At tulad ng iba pang may alopecia, nagpaturok din siya noon ng steroids, “Yung sa akin nu’n, kada linggo injection. Yun nga po steroidal nga po.”

Naalala pa raw niya ang pagkakaroon ng malaking “poknat” sa ulo na kailangan niyang itago dahil may tinatapos siyang project sa TV, bukod pa sa kanyang mga movie projects.

“Na-diagnose din ako, pero yung sa akin, recurring siya. Every few years. Hindi ako yung umabot sa total yung baldness.

“Pero umabot ako na yung mga ano, not even a patch, as big as my hand, wala akong buhok sa likod.

“In fact, may mga mga serye dati, may mga pelikula dati nilalabasan ko na kaya mahaba ang buhok ko, tinatakpan ko yung bald spot,” kuwento ni Ryan.

Sa huling bahagi ng nasabing segment, hiningan ni Ryan si Jenette ng mensahe para sa mga magulang na may mga anak na merong alopecia.

Pahayag ni Jenette, “Sa mga nanay na katulad ko po, na may sakit na alopecia rin yung mga anak nila, sana po, huwag po natin silang i-judgement dahil…

“Alagaan po natin sila, subaybayan. Bigyan po natin sila ng time hangga’t nadiya-diyaan pa sila. Kasi hindi natin masasabi yung panahon.

“Katulad ko po, hindi ko naibigay lahat. Hindi ko naibigay yung one hundred percent sa kanya. Hindi ako perfect na mother, pero alam ko ibinigay ko yung kaya ko.

“Kaya kayo po, sana mahalin niyo po yung mga anak niyo, lalo na yung mga may sakit,” sabi ni Jenette.

https://bandera.inquirer.net/305730/juday-ipinagdasal-ang-pagdating-ni-ryan-ito-pala-yung-feeling-na-niyayaya-kang-mag-date-dinadalaw-ka-sa-set

https://bandera.inquirer.net/306042/ryan-winner-sa-best-wedding-proposal-ever-idinaan-sa-libro-ang-pagtatapat-kay-juday

https://bandera.inquirer.net/305154/judy-ann-masaya-sa-covid-19-vaccine-experience-ng-mga-anak-all-in-kami

Read more...