MALUHA-LUHANG nagbigay ng reaksyon ang Kapamilya young actress na si Maris Racal nang bansagan siya ni John Lapus na “next romcom queen” ng showbiz.
Tila hiyang-hiya pa ang dalaga habang pinupuri ni Sweet nang bonggang-bongga sa naganap na face-to-face presscon ng bago niyang teleserye, ang “How To Move On in 30 Days” kasama sina Albie Casino at Carlo Aquino.
“Paiyak na ako, e!” ang pahayag ni Maris nang tawaging “next romcom queen” ni Sweet na ikinumpara pa sa mga certified romcom queen na sina Regine Velasquez, Toni Gonzaga at Angelica Panganiban.
“Mahusay si Maris Racal dito. She really is the romcom princess now. And now that Angelica Panganiban is a mother and Toni Gonzaga is technically retired, I’m pretty sure that Maris Racal will be the next romcom queen.
“Siya talaga ‘yung romcom (actress). Siya ‘yung Regine Velasquez noong araw, na naging Toni Gonzaga, na naging Angelica Panganiban. It’s Maris Racal’s time to shine,” pahayag pa ni Sweet.
Todo naman ang pasasalamat ni Maris kay John Lapus at sa iba pa niyang kasamahan sa bago niyang proyekto na unang collaboration ng ABS-CBN at YouTube Philippines.
Sa kanyang Twitter account, ipinost ni Maris ang video clip mula sa nasabing presscon, “Grabe yung puso ko kanina. Salamat po.”
Samantala, posible nga bang mag-move on sa pagiging sawi sa tulong ng isang online app?
Susubukan ni Maris na mag-move on kasama ang pekeng boyfriend niyang si Carlo Aquino sa “How to Move On in 30 Days,” ang kauna-unahang YouTube exclusive daily series ng ABS-CBN na mapapanood na ngayong April 4.
Ang romantic-comedy series na ito ay tungkol kay Jen (Maris), isang vlogger na iniwan at niloko ng boyfriend niya ng pitong taon na si Jake (Albie) kasama si Anastacia (Sachzna Laparan), isang sikat na model at social media influencer. Makikilala si Jen bilang “The Winarak Girl” matapos mag-viral sa social media ang kanyang pagwawala dahil sa pagiging sawi.
Para tulungan si Jen na malagpasan ang pagiging broken-hearted, kukumbinsihin siya ng kanyang mga kaibigan na sina Anton (Kyo Quijano) at Sara (Jai Agpangan) na i-download ang “the break app.”
Sagot ng app na ito ang lahat ng solusyon at payo para tulungan si Jen na maka-move on mula kay Jake sa loob lamang ng 30 araw.
Ngunit hindi ito magiging madali para kay Jen dahil makakasama niya sa trabaho si Jake at ang bagong kasintahan nito. Dahil desperado na si Jen na maka-move on, mapipilitan siyang lapitan si Franco (Carlo), isang gwapong surfer at “professional boyfriend-for-hire.”
Magkukunwari sina Jen at Franco bilang magkasintahan at unti-unti rin silang magiging malapit sa isa’t isa dahil dito. Makaka-move on nga ba si Jen sa tulong ni Franco at ng “break app”? Mauuwi kaya sa tunay na pagmamahalan ang pekeng relasyon nina Jen at Franco?
Ang “How to Move On in 30 Days” ay mula sa direksyon nina Benedict Mique at Roderick Lindayag at kasama rin dito sina John Lapus, John Arcilla, Sherry Lara, Phoemela Baranda, Poppert Bernadas, Hanie Jarrar, Elyson De Dios, Rans Rifol, at James Bello.
Panoorin ang “How to Move On in 30 Days” kada Lunes hanggang Biyernes simula ngayong Abril 4 sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.
https://bandera.inquirer.net/309666/john-lapus-naka-relate-sa-how-to-move-on-in-30-days-one-new-boyfriend-after
https://bandera.inquirer.net/292672/john-lapus-dasal-ko-kay-lord-kapag-namatay-ako-one-time-big-time-na-lang
https://bandera.inquirer.net/284309/promise-ni-dennis-kay-jennylyn-sa-lupa-sa-ilalim-ng-dagat-kahit-saan-pa-man-hindi-kita-pababayaan