SA kabila ng naging problema at issue sa kanyang lovelife, mukhang unti-unti nang nakaka-move on si Carlo Aquino sa paghihiwalay nila ng vlogger na si Trina Candaza.
Nakachikahan namin ang award-winning actor kahapon sa face-to-face presscon ng bago niyang project sa ABS-CBN, ang original digital series na “How To Move On In 30 Days” kung saan makakatambal niya si Maris Racal.
In fairness, hindi nga mukhang broken-hearted si Carlo dahil feeling namin mas gumuwapo pa siya ngayon at mas naging yummy pa dahil sa kanyang super hunky body.
At dahil nga “How To Move On in 30 Days” ang title ng serye nila na mapapanood na sa April 4 sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel, natanong si Carlo kung mabilis ba siyang maka-move on sa break-up.
“Parang walang timeline, e. ‘Yung moving on, parang proseso ‘yan. In time, mawawala siguro. Mawawala na lang siya eventually. Minsan nga, hindi mo alam, naka move-on ka na pala,” sagot ni Carlo.
Masaya naman daw ang buhay niya ngayon pero hindi diretsahang nabanggit ang paghihiwalay nila ni Trina, ang nanay ng kanyang anak na si Baby Mithi.
Sa pagkukuwento ni Carlo, mukhang maayos din ang co-parenting set-up nila ni Trina. May mga araw talaga na nakakasama niya ang anak para makapag-bonding sila nang bonggang-bongga.
Ito naman ang sagot ni Carlo nang tanungin kung paano ba siya nagmu-move on, “Spend time with friends. Nature, punta sa dagat, sa bundok.
“Kuwento nang kuwento sa mga kaibigan hanggang manabang sila. Pero hindi naman importante na sila ‘yung manabang, kasi kailangan ‘yung sakit mo ‘yung manabang. So ikukuwento mo pa rin kahit ayaw na nila, hanggang sa mawala na ‘yun,” aniya pa.
Para naman kay Carlo, masasabi niyang naka-move on na siya kapag, “Tanggap mo na lahat ‘yung sitwasyon, kung ano ‘yung nangyari sa inyo at kung bakit nangyari ‘yun. Kumbaga meron ka nang eksplanasyon sa sarili mo na tatanggapin mo tapos magmu-move on ka na. Okay na ‘yun. Next.”
“Talagang kailangan mong i-surround ‘yung sarili mo sa mga taong magsa-shower sa ‘yo ng pagmamahal. ‘Yung mga kaibigan, ‘yung pamilya mo,” sabi pa niya sa isang hiwalay na panayam.
Sa tanong kung bibigyan pa ba niya ng second chance ang nakahiwalay na relasyon, “Siguro depende doon sa napagdaanan niyo. Hindi naman kailangan na may kasalanan, pero depende siguro kung paano ‘yung naging relationship niyo nu’ng kayo pa.
“Para ma-justify mo na puwede ulit, puwede kong i-try ulit with this someone. Pero kung sobrang bigat ng pinagdaanan, parang mahirap na,” chika pa ni Carlo.
Ang “How To Move On in 30 Days” ay ang unang collaboration ng ABS-CBN at YouTube mula sa produksyon ng Dreamscape Entertainment at mapapanood na sa April 4.
Makakasama rin dito sina Phoemela Baranda, John Lapus, Albie Casino, Jai Agpangan, Sachzna Laparan, Kyo Quijano, Sherry Lara, Poppert Bernadas, Hamie Harrar, Elyson de Dios at James Bello, sa direksyon nina Benedict Mique at Dick Lindayag.
https://bandera.inquirer.net/304240/carlo-aquino-trina-candaza-hiwalay-na-nga-ba
https://bandera.inquirer.net/304349/trina-candaza-iniwan-na-ang-bahay-nila-ni-carlo-lumipat-sa-condo-kasama-ang-anak
https://bandera.inquirer.net/304345/trina-candaza-kinarma-raw-dahil-sa-ginawa-kay-angelica-nanahimik-ako-para-kay-carlo-pero-wala-akong-inagaw