BINALIKAN ng magkaibigang Meryll Soriano at Judy Ann Santos ang pagsisimula nila noon sa showbiz industry at hindi nila maiwasang ikumpara ang sistema noon sa mga nararanasan nila ngayon.
Puring-puri ni Juday ang professionalism ng partner ni Joem Bascon pagdating sa trabaho pati ang pagiging independent ng aktres kahit noong mga bagets pa sila.
Karugtong ito ng naisulat namin dito sa BANDERA tungkol sa pagkakaibigan nina Juday at Meryll na bumibilang na ngayon ng maraming taon na mapapanood sa vlog ng huli.
Sey ni Juday sa pagiging professional ng anak ni Willie Revillame, “Kasi nasanay ka ng ganu’n. Maganda ‘yung pagka-independent mo, pagka-responsible mo saka (sabay turo kay Meryll) ito always on time. Wala pa ‘yung unit nandoon na siya.”
“E, kasi naman Mama Juday talagang ganu’n naman tayo noon kaya ang laki ng difference ng discipline,” katwiran ng Mama nina Eli at Guido.
Sinang-ayunan naman ito ng misis ni Ryan Agoncillo, “Yes discipline, pagiging responsible, pagiging professional. Iba ang ibig sabihin ng pagiging discipline sa pagiging professional.
“Kasi puwede kang professional pero hindi ka disiplinado. Pag sinabing disiplinado ano ang pinag-uusapan natin dito?” aniya pa.
Pagsang-ayon ni Meryll, “Siyempre ‘yung pagbabasa mo ng script mo, pag dadating ka sa set alam mo na ‘yung gagawin mo. Saka ‘yung discipline mo sa sarili mo.”
Dito na isiningit ni Judy Ann ang mga naririnig niyang ugali ngayon ng mga bagong artista.
“Marami akong naririnig ngayon na ibang ganap sa mga batang artista. Though I haven’t work with them just yet. Gusto ko nga silang makatrabaho, ayaw ko namang basta maniwala lang sa sabi-sabi. Unfair naman ‘yun sa part nila, di ba?” say ni Juday.
“Yes, sinu-sino ba ‘yang mga yan?” tumatawang tanong ni Meryll. At nagkatawanan ang dalawa sabay sabing, “Marites na Marites.”
Pero binigyan naman ng dahilan ni Juday na kaya ganu’n ang mga batang artista ngayon ay dahil na rin sa mga pribilehiyong ibinibigay sa kanila.
“Siguro marami lang mga bagets na very privilege sa panahon ngayon kasi nga hindi nila napagdaanan ang maraming bagay na na-enjoy natin ‘yung journey kasi.
“Ako kasi from being a talent to batang Maricel (Soriano) batang Snooky (Serna), impaktita. Lahat ng mga batang impakta nagawa ko pero masaya,” balik-tanaw ni Juday.
“Oo, iba talaga ‘yung journey noon kasi I remember tayo ‘yung huling kinukunan wala pa kasing DOLE (Department of Labor and Employment) noon. Ha-hahaha!” tumatawang alaala ni Meryll.
Sa bagong patakaran ng DOLE ay apat na oras lang puwedeng mag-taping ang batang artista at hindi siya puwedeng paabutin ng 8 p.m..
Pagpapatuloy na kuwento ni Meryll, “Kami ‘yung huli. ‘Yung tulog na tulog ka na sa set tapos gigisingin ka tapos maiyak-iyak kasi 5 a.m. na pero kailangan mo pa ring gawin wala naman kasing mga cut-off noon.”
At naalala rin ni Meryll sa unang pelikula niya ay nahulog siya sa fountain at kailangang tahiin ang noo niya dahil nga naglalaro sila sa set.
Sobrang close rin si Juday sa tita Maricel Soriano ni Meryll dahil kapag ginagabi o inuumaga ay sa bahay ng Diamond Star siya pinatutulog either sa Xavierville o sa White Plains.
Ang mga artista raw kasi sa panahon nila ay pamilya talaga ang turingan at kung sinong abutan mong bata sa set ay kaibigan kaagad.
Maging sa mga sikreto ng bawa’t artista noon ay nananatiling sekreto.
“Pag sinabing sikreto, sikreto talaga, ngayon kasi pag sinabi mong sikreto ‘weh’ o atin lang ‘to ha? Asahan mo nasa Instagram stories ng selected friends,” kuwento ni Juday.
“Nakakaloka, so, iyan ang mga difference natin noon,” saad ni Meryll.
“How I wish na may time machine na puwede mong dalhin ‘yung mga kabataang artista ngayon to noon. Masyadong nadidikta ng social media ang totoong pagkatao ng mga bagets lately, actuallty hindi lang mga bagets, eh,” paliwanag ni Juday.
Dagdag din ni Meryll, “Kasi ‘yung mga sikat ngayon na sumikat lang dahit sa Instagram, sa TikTok sila na ‘yung hinahabol ng networks, producers.”
“Wala namang masama roon pero you have to be responsible sa content (kasi pina-follow ka ng mga tao). You have to impart a lot of knowledge to your viewers. Marami kasing ginagamit ang social media for bashing, for trolling, at walang censorship,” diin pa ni Juday.
“Oo, nagkaroon ng power ang audience kaya ako ‘yung Instagram ko 2018 palang naka-off na yung comments kasi wala akong pakialam sa opinyon ng iba. Kasi you have to protect yourself, eh,” katiwran ni Meryll.
Aminado rin ang dalawang aktres na lumalabas ang sungay nila kapag pamilya nila ang kinanti na ang ending pumangit ang kanilang imahe dahil sa mga hindi magagandang komento mula sa mga hindi kilalang tao.
Hindi porket mga celebrities sila ay puwede nang tumanggap ng hindi magagandang salita, dapat ay intindihin din na nasasaktan din sila bilang mga tao.
https://bandera.inquirer.net/284937/bwelta-ni-meryll-sa-bashers-nila-ni-joem-wala-akong-time-nag-aalaga-ako-ng-baby
https://bandera.inquirer.net/305730/juday-ipinagdasal-ang-pagdating-ni-ryan-ito-pala-yung-feeling-na-niyayaya-kang-mag-date-dinadalaw-ka-sa-set
https://bandera.inquirer.net/305154/judy-ann-masaya-sa-covid-19-vaccine-experience-ng-mga-anak-all-in-kami