HABANG papalapit nang papalapit ang eleksyon ay mas lalo pang nagiging intense ang mga kaganapan sa showbiz dahil sa aktibong pakkilahok ng mga artista sa politika.
Nadagdag nga sa mga celebrities na lantaran ang pagpapahayag ng kanyang saloobin sa mga isyu ng bayan ay ang action star na si Monsour del Rosario.
Kamakailan at nagsalita na rin si Monsour sa naging desisyon ni presidential candidate Ping Lacson na magbitiw na bilang chairman at miyembro ng Partido ng Demokratikong Reporma.
“Iginagalang ko ang desisyon ni Sen. Ping Lacson na magbitiw sa Partido Reporma.
“Siya ay isang mabuting tao na may tapat na puso at taospusong hangarin na maglingkod sa sambayanang Filipino.
“Naniniwala ako na marami pa siyang magagawang mabuti para sa ating bansa, at ang aking kahilingan para sa kanya ay pawang kabutihan lamang,” pahayag ng aktor at politiko.
Tulad ni Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez, na nagpasyang mag-endorso ng ibang presidential candidate, ineendorso rin ni senatorial candidate Monsour si Vice President Leni Robredo.
“Naniniwala ako na ang kanyang misyon upang baguhin at iangat ang bansa ay naaayon sa sarili kong kagustuhan para magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay ng ordinaryong Filipino, lalo na ang mga napabayaan ng mga nakaraang administrasyon,” sabi ni Monsour.
Dagdag ng aktor, “Dalangin ko na ang aming pananaw na makita ang isang mas magandang Pilipinas at mas magandang kalagayan ng pamumuhay para sa bawat Filipino – lalaki man, babae, o bata – ay maisakatuparan.
“Umaasa ako na anuman ang resulta ng halalan sa Mayo 9 ay magiging simula ng tunay na pag-unlad na patas at kaakibat ang lahat,” aniya.
Pero nilinaw ni Monsour na tuloy pa rin ang pagtakbo niya bilang senador sa ilalim ng Partido Reporma.
“Tungkol naman sa aking kandidatura, diringgin ko ang salita ni dating Pangulong Manuel L. Quezon, ‘Ang aking katapatan sa alinmang paksyon ay nagtatapos kung saan nagsisimula ang aking katapatan sa bayan.’
“At ngayon ay narito ako upang sagutin ang panawagan ng bansa para sa pagkakaisa at makiisa sa kilusan para sa tunay na pagkakaisa,” giit pa niya.
Samantala, umaasa pa rin ang kanyang mga tagasuporta na darating din ang tamang panahon para makagawa uli siya ng pelikula.
Aminado naman ang aktor na nami-miss na rin niya ang umarte sa harap ng mga camera pero mas gusto raw muna niyang unahin ang misyon niya sa mga Filipino bilang public servant.
https://bandera.inquirer.net/286899/kris-nai-imagine-na-ang-eksena-nila-ng-ama-sa-kasal-nila-ni-perry-choi-babaha-ng-luha
https://bandera.inquirer.net/305279/bossing-vic-todo-ang-suporta-kina-ping-lacson-at-tito-sen-jose-wally-join-din-sa-rally
https://bandera.inquirer.net/283280/rabiya-luha-dugot-pawis-ang-puhunan-sa-paglaban-sa-miss-u-i-want-to-win