‘Because of You’ singer Keith Martin natagpuang patay sa tinitirhang condo

'Because of You' singer Keith Martin natagpuang patay sa tinitirhang condo
PUMANAW na ang American singer at songwriter na si Keith Martin na nakilala sa kanyang hit single na “Because Of You”.

Ang nakalulungkot na balita ay kinumpirma mismo ng singer-actress na si Sheree, isa sa mga malalapit na kaibigan ng pumanaw na singer.

Ayon sa kanya, natagpuan na lang daw si Keith na walang buhay sa tinitirhan nitong condo unit sa Libis, Quezon City.

“Nagrereklamo yung mga kapitbahay ni Keith na mabaho sa unit niya so tinawag nila sa security guard. Tinawagan rin ang may-ari ng unit na tinitirhan niya,” saad ni Sheree.

“Ang sabi, almost a week nang patay si Keith pero hinihintay pa ang resulta ng autopsy. Dinala na siya sa punerarya. Kakukuha lang sa katawan niya,” dagdag pa ng singer-actress.

Kuwento niya, nagsabi na raw ang singer-composer sa kanya na hindi maganda ang pakiramdam niya noong huli silang magkita. Agad pa nga raw niyang pinayuhan ito na magpatingin sa doktor.

Ngunit noong mga sumunod na araw ay hindi na raw niya ma-contact si Keith at hindi na rin ito nagre-reply sa mga text messages na kanyang ipinapadala.

“Tine-text ko si Keith pero hindi siya nagre-reply kasi nga may inilabas ako na content. Ige-guest ko siya dapat ngayong Sabado sa podcast,” pagpapatuloy ni Sheree.

Very unlikely raw na hindi nagrereply ang mangangawit dahil isang text lang ay sumasagot ito palagi. Kahit na sa tuwing aayain niya itong kumain ay wala pang isang minuto, nandyan na daw ito agad.

“Nagtataka ako, wala nang reply. Tapos kanina tumawag sa akin ‘yung kaibigan namin. Sinabi niya na natagpuan si Keith na wala nang buhay sa unit nito,” malungkot na sabi ni Sheree.

Mag-isa at wala raw kasama sa unit ang kaibigan dahil hiwalay na ito sa kanyang Filipina girlfriend noon pang last part ng 2021.

Isa si Sheree sa mga malalapit na kaibigan ni Keith matapos silang magkaroon sila ng music collaboration.

Bago pa man ang nakalulungkot na balita ay namataan itong present sa kasal ng singer na si Daryl Ong at ni Dea Formilleza sa Antipolo noong March 12.

Sa isang video na kuha noong reception ng kasal ay makikita si Keith na nakikipagkulitan ant kantahan kasama ang sina Daryl, Michael Pangilinan, at Thor Dulay habang inaawit nila ang Boyz II Men medley.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ukol sa pagkamatay ng 55-year-old American singer and songwriter.

 

Related Chika:
American singer-actor David Archuleta proud na ibinandera ang pagiging member ng LGBTQ
Sheree pumayag maghubo’t hubad sa pelikula: Virgin na virgin pa po ako!

Read more...