SIGURADONG maraming matutulungan ang pasabog na charity project ng basketball player at aktor na si Ricci Rivero.
Ang tinutukoy namin ay ang sinimulan niyang “RR25 Buckets of Hope” campaign para sa mga miyembro ng UP Ikot Drivers Association na matinding naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Nangako ang UP Fighting Maroons guard na magdo-donate siya sa “RR25 Buckets of Hope” ng P250 sa bawat puntos na magagawa niya bilang manlalaro sa final UAAP season.
“Marami po kasi sa kanila, may pamilya na sinusuportahan, at sa pagpasada po kumukuha ng pangkabuhayan,” ang pahayag ni Ricci sa isang statement.
Aniya pa, “Noong nawala po ang face-to-face classes at public transport, sobra pong laking kawalan noon para sa kanila.
“Kaya po naisip ko po na i-offer sa kanila ‘yung final year ko po, para mas makatulong po ako kahit paano.
“Sabay po kaming magbabalik sa kanya-kanya naming mga biyahe para pagsilbihan ang UP,” lahad pa ng basketball player na nali-link ngayon sa Kapamilya young actress na si Andrea Brillantes.
Suportado naman ng agent ng binata na si Charlie Dy ng Virtual Playground, ang “Buckets for Hope” na nangakong tatapatan ang anumang halaga na malilikom ng cager.
“It’s our way to also give back to the UP community, as well as to encourage Ricci to perform his best in his final year,” sabi ni Charlie Dy.
Sa Season 82 ng UAAP, nakapagtala ng average 7.14 points sa 28.47% shooting para sa Fighting Maroons.
Samantala, wala pang official statement si Ricci tungkol sa umano’y relasyon nila ni Andrea pero marami ang naniniwala na may namamagitan na sa dalawa.
Nagsimulang matsismis sina Ricci at Andrea nang maispatan sila together sa isang restaurant bukod pa iyan sa viral TikTok video kung saan nakasuot si Andrea ng white jersey ng U.P. Fighting Maroons na may nakalagay na “25.”
Ang jersey number ni Ricci bilang player ng Fighting Maroons ay 25.
https://bandera.inquirer.net/308329/andrea-brillantes-ricci-rivero-dating-na-ayon-sa-source-ni-mama-loi
https://bandera.inquirer.net/308070/andrea-brillantes-ricci-rivero-spotted-sa-bgc-tanong-ng-mga-marites-magdyowa-na-ba
https://bandera.inquirer.net/280133/beauty-queen-tuloy-sa-pagtulong-kahit-may-pandemya