PAK na pak ang “audience request portion” sa matagumpay na concert ni Gigi de Lana at ng kanyang banda na ginanap sa bonggang-bonggang National Theater ng Abu Dhabi.
Ang nasabing venue ay isang kultural na palatandaan at isa sa pinakamalaking auditorium ng UAE kung saan ginaganap ang malalaking events.
Matapos nga ang kanilang super successful concert sa Jubilee Stage ng Dubai Expo 2020, dinala naman ng Gigi Vibes ang kanilang “Domination” tour sa Middle East.
Para sa kanilang Abu Dhabi concert, isinantabi muna ni Gigi ang kanyang signature leather jacket, plaid na pantalon at platform sneakers para sa mas pormal na couture fashion na mas babagay sa pangkalahatang awra ng National Theatre.
Sa katunayan, walang iba kundi ang kilalang Dubai-based Filipino designer na si Michael Cinco ang nag-design ng gown ng Kapamilya singer-actress para sa kanyang finale.
Kakaiba ang karanasan ng mga manonood sa Abu Dhabi — masusi ang paghahanda sa produksyon, at animo’y naglalakbay ang mga manonood mula sa earthiness patungo sa etherealness, sa pamamagitan ng mga kanta ni Gigi Lana at sa bonggang design ng stage.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nagkasama on stage ang dalaga at si Sam Concepcion. Umaatikabong palakpakan ang sumalubong sa kanilang mga duet.
Ipinakita muli ni Gigi ang kanyang versatile voice na kayang-kaya ang mga dramatic pop rock/power pop Pinoy originals, at gayundin ang husay na pinakita sa mga cover ng mga kanta mula sa mga tulad ng jazz singer na si Diane Reeves, soul/R&B singer na si Chaka Khan, disco vocal group na Sister Sledge, at maging ang country singer na si Kenny Rogers at ang pop icon na si Karen Carpenter.
Ang dahilan para sa napakalawak na repertoire na ito? Nagkaroon kasi ng napakasayang audience request portion sina Gigi kung saan pinagbigyan nila ang mga manonood sa pamamagitan ng pagkanta ng kanilang most requested songs.
Nagsilbi rin itong paalala sa lahat na si Gigi ay sumikat sa social media sa pamamagitan ng pagkanta ng mga cover na nakakuha ng milyun-milyong views bago siya pormal na pumasok sa recording industry.
Ang huling pagkakataon para sa mga fans ni Gigi sa Middle East na mapanood ang “Domination” ay magaganap sa Crowne Plaza Bahrain, kasama pa rin si Sam Concepcion. Ang concert sa Bahrain ay sa pakikipagtulungan ng The Filipino Club sa Bahrain.
https://bandera.inquirer.net/291856/pangarap-ni-gigi-de-lana-tinupad-ni-regine-bata-pa-lang-ako-idol-ko-na-talaga-siya
https://bandera.inquirer.net/295580/gigi-de-lana-inspirasyon-ang-ina-kaya-nagsusumikap-siya-na-lang-po-ang-mayroon-ako
https://bandera.inquirer.net/296444/gerald-may-payo-kay-gigi-ako-ang-coach-mo