IBINANDERA muli ni Anthony Taberna at ng asawa niyang si Rossel Taberna ang katapangan ng kanilang anak na si Zoey na patuloy pa ring nakikipaglaban sa sakit na leukemia.
Sa kani-kanilang Instagram account, nag-post ang veteran broadcast journalist pati na si Rossel ng ilang litrato ni Zoey na nasa hospital bed.
Walang binanggit ang mag-asawa sa kanilang IG post kahapon kung bakit dinala nila uli sa ospital ang anak pero maaaring bahagi ito ng pagpapagamot kay Zoey.
Makikita rin sa kanilang mga litrato ang bunso nilang anak na si Helga na naka-hospital gown ngunit walang nabanggit sina Anthony at Rossel tungkol dito.
Ayon kay Ka Tunying, mas bumilib pa siya ngayon sa ipinakikitang tapang ng anak sa pagharap at paglaban sa kanyang karamdaman kasabay ng pagpapasalamat sa lahat ng patuloy na nagdarasal at nagpaparamdam ng pagmamahal kay Zoey.
“Salamat sa inyong pagmamahal sa isa’t isa bilang magkapatid Zoey and Helga. Salamat, Mommy Sel.
“Salamat sa lahat ng kasama namin na nananalangin. Salamat sa Namamahala. Salamat sa Panginoong Jesus. Higit sa lahat, salamat po Ama,” pahayag ni Ka Tunying.
Kasunod nito, nabanggit ng TV host at news anchor na patuloy pa ring sumasailalim sa kaukulang medical procedure si Zoey at umaasa sila na darating din ang panahon ng tuluyang paggaling ng bata.
“Hindi pa tapos ang laban kaya hindi pa rin po kami magsasawang makiusap, magtiwala at sumampalataya. Zoey, bilib kami sayo.
“Salamat sa inspirasyon at tapang! Happy birthday (new birthday) sa iyo, Anak,” sabi pa ni Anthony gamit ang mga hashtags na “#teamstrong #fighting #fighter #bravegirls #sisters #tabernasisters #familiataberna”.
Samantala, nag-post din si Rossel sa IG ng kaparehong mga litrato sa ibinahagi ni Ka Tunying at aniya sa caption, “Napakabuti ng Ama.(crying, praying emojis).
“Maraming salamat po sa lahat ng nananalangin para sa aming pamilya lalo na sa aming mga Anak. Damang-dama po namin ang inyong malasakit at pagmamahal.
“Napakarami na po naming pinagdaanan at simula pa lamang po ito ng paninagong pagasa. Salamat! Maraming salamat,” pahayag pa ng misis ni Anthony.
Ipinagdiinan din ni Rossel na si Zoey ang pinakamatapang na miyembro ng kanilang pamilya.
Aniya, sa edad na 14, talagang desidido siyang mabuhay pa nang matagal kaya tuloy lamang ang paglaban niya sa kanyang sakit.
“Walang hanggang pasasalamat sa aking kabiyak @iamtunying28 ikaw ang dahilan kung bakit tayo matibay, sa aking walang kasing-bait at mapagmahal na bunso @helga_tbrna at sa pinakamatapang na miyembro ng aming pamilya @zasiazoey.
“Salamat sa buo naming angkan na gabi- gabi ay lumuluhod at nagpapanata kasama namin. Mahal na mahal po namin kayo,” sabi pa ni Rossel.
Matatandaang na-diagnose na may leukemia si Zoey noong Dec. 2, 2019 at mula noon hanggang ngayon ay tuloy pa rin ang laban ng teenager para mabuhay at makasama pa nang maraming taon ang kanyang pamilya.
https://bandera.inquirer.net/299413/ka-tunying-naniniwalang-magaling-na-ang-anak-na-may-leukemia-siya-ang-pinakadakilang-manggagamot
https://bandera.inquirer.net/303924/anthony-taberna-umalma-sa-akusasyong-biased-daw-si-jessica-yung-titirahin-yung-host-mali-yun
https://bandera.inquirer.net/284373/hugot-ni-rabiya-matapos-matalo-sa-2020-miss-u-in-my-heart-i-did-everything-i-can