#AlamNa: Julia Montes hinalikan sa lips si Coco Martin sa harap ng cast at crew ng ‘Ang Probinsyano’

Julia Montes napaiyak sa pa-birthday surprise ni Coco Martin

Julia Montes at Coco Martin

KAARAWAN ni Julia Montes nitong nagdaang Marso 19 at sa mismong set ng “FPJ’s Ang Probinsyano” nag-celebrate ang aktres dahil sinorpresa siya ng kanyang leading man at rumored boyfriend na si Coco Martin.

Base sa ipinost ng CocoJulia World sa Facebook ay hindi alam ng Kapamilya actress na may pa-cake si Coco sa kanya dahil tila katatapos lang kunan ang eksena nila sa “Ang Probinsyano.”

Tumutulo ang luha niya nang makitang nakahilera ang lahat ng staff and crew kasama pa ang buong cast para awitan siya ng “happy birthday.”

At sa bandang dulo ng video ay naroon si Coco at hawak ang magandang cake na bago hinipan ng aktres ang kandila ay nag-wish muna siya at abut-abot ang pasasalamat niya sa lahat lalo na sa aktor at direktor ng “Ang Probinsyano.”

At yun na nga, nahagip ng camera sa cellphone na hinalikan ni Julia si Coco sa labi at maririnig sa video ang hiyawan ng lahat.

Matagal na rin namang alam ng publiko ang tungkol sa relasyon nina Coco at Julia pero siyempre hinihintay pa rin ng lahat ang diretsahan nilang pag-amin.

Pero sa ginawang paghalik ng aktres sa labi ng aktor, sa harap ng mga kasamahan nila sa “Ang Probinsyano” e, kailangan pa bang i-memorize yan?


* * *

Inendorso na ni “Wowowin” host Willie Revillame si Davao City Mayor Sara Duterte na kumakandidatong bise presidente ng Pilipinas sa darating na eleksyon sa Mayo 9.

Hindi naman ito nakapagtataka dahil malapit si Willie kay Presidente Rodrigo Duterte. Hindi ba’t inalok pa siya rati na tumakbong senador pero tumanggi lang siya dahil hindi niya kaya at mas gusto na lamang niyang tumulong bilang private citizen.

Sa ginanap na live episode ng “Wowowin” nitong Biyernes na ginanap sa Cebu City Sports Center ay ipinakilala ni Willie si Sara sa mga dumalo ng campaign rally bilang “Ilaw ng Tahanan.”

Sa tono ng awitin niyang “Ikaw Na Nga” ay kinanta niya ang, “Inday Sara ang siyang kailangan ng bayan, ang siyang magbibigay ng saya, ng ngiting kay tamis sa kanino man.

“Inday Sara ang siyang ilaw ng tahanan sa piling mo, matatagpuan bukas na kay ganda sa ating bayan Sara, ikaw na nga.”

Nabanggit ding tutulong siya sa kandidatura ni Mayor Sara, “Magiging tulay ako ng bawat Pilipinong nangangailangan ng tulong. Basta ma’am Sara, kung anong maitutulong namin sa ‘yo, kung anong maitutulong ko sa ‘yo, kung kailangan mo ako, walang kabayaran, wala. Ang gusto ko lang ang ngiti sa mga labi ng ating kababayan.”

https://bandera.inquirer.net/100441/julia-nakabili-ng-bagong-bahay-malapit-sa-mansion-ni-coco

https://bandera.inquirer.net/297852/coco-hindi-nakatulog-kakaisip-sa-role-ni-mega-sa-ang-probinsyano

https://bandera.inquirer.net/289637/coco-tensyonado-sa-pagpasok-ni-julia-sa-ang-probinsyano

Read more...