Pick-up line ni Isko kay Dynee: Karma ba kita? Ang dami namang ibang babae diyan, bakit ikaw pa?
“AKALA ko pinagtitripan lang ako kasi amongst my friends, that time, ako lang ang may anak na.”
Ito ang naging pahayag ni Diana Lynn “Dynee” Domagoso nang magkuwento tungkol sa naging simula ng love story nila ng asawang si Manila Mayor Isko Moreno.
Sa panayam ni Boy Abunda, binalikan ni Dynee kung paano siya niligawan ni Yorme noon at kung bakit niya nagustuhan at sinagot ang actor-politician.
Tandang-tanda pa nga ni Dynee ang pamatay na hugot ni Isko noong nanliligaw pa lamang ito sa kanya.
“Karma ba kita? Ang harsh (ng karma),” ang natatawang sabi ng misis ni Isko na noo’y isa pa lamang councilor ng Maynila.
Kinausap daw noon ni Yorme ang common friend nila ni Dynee na si Ali Atienza (anak ni Lito Atienza) at nakiusap na ipakilala ito sa kanya.
Dito niya sinabi na feeling niya ay pinagtitripan lang siya ni Isko dahil daw sa lahat ng mga friends niya ay siya lang ang may anak, “Everyone was single so akala ko pinagtitripan lang niya ako. Pero nang nagkakilala kami, hindi na siya umalis sa tabi ko.”
Inamin ni Dynee na nang makilala niya si Isko ay karelasyon pa niya (via long distance relationship) ang tatay ng anak niya si Patrick, “That time kasi loyal ako. So para lang umalis siya I said something na akala ko tatagos sa kanya. Ay hindi, wala siyang pakialam.
“Sabi ko, ‘Alam mo I just watched your movie a few times. Ang baduy momag-English.’ Sabi niya, ‘Ah, trabaho lang ’yun.’ Hindi siya umalis. As in pinanindigan niya na nakatingin siya sa akin the whole time,” kuwento pa ni Dynee.
“The day after I met him, I told him, ‘I think you like me but don’t waste your time. I have a boyfriend and I have a son with my boyfriend,'” aniya pa.
Pero talagang kinarir ni Isko na magetsing ang atensyon ni Dynee kaya nang magkaroon ng pagkakataon talagang ginamit na niya ang kanyang karisma nang magkita sila sa isang bar sa Malate.
“Sabi niya sa akin, ‘Alam mo, karma ba kita? Alam mo kasi ang dami namang ibang babae diyan, bakit ikaw pa? Alam mo, I hate you, I hate you, I hate you, because I love you,'” kuwento ng misis ni Yorme.
“Lahat ng tao sa Library palakpakan. ‘Yun pala wala na pa lang nagso-show, lahat pala nakikinig na lang sa akin,” aniya pa.
Dito na na-realize ni Dynee na may feelings na rin siya kay Isko kaya ang ending, nakipag-break na siya sa tatay ng kanyang panganay.
“After one month, sinagot ko na siya kasi baka mauntog, magbago ang isip so ayoko na magpakipot ng ganu’n kahaba,” sabi pa ni Dynee.
At isang linggo lamang ang lumipas matapos magkaroon ng label ang kanilang relasyon ay nagpakasal na rin sila, “Nasa Skyway kami, hahatid niya ako papuntang Las Piñas. It was almost his birthday. I asked, ‘What gift do you want for your birthday?'”
Sagot ni Isko, wala na ras siyang mahihiling nu’ng panahong yun dahil kuntento na siya sa career niya sa politics at sa entertainment industry. May business na rin daw siya at higit sa lahat meron din siyang mapagmahal na girlfriend.
“Tapos sabi ko sa kanya, ‘Gusto mo, pakasal tayo?’ It was a damn joke. I didn’t know he was gonna take it seriously,” sabi pa ni Dynee.
“Ian de Leon one of the witnesses and some his friends, his staff. We were supposed to do it in one of the hotels here in Malate. Hindi ako nakarating.
“Sabi ko kasi sa kanya, nalaman ng mommy ko. Sabi ko huwag na lang natin ituloy. Let’s just postpone it for a day kasi nahihiya ako magsinungaling.
“Doon kong unang narinig na, ‘Kapag gusto, Dynee, maraming paraan pag ayaw maraming dahilan’. Hindi ako nakarating kasi mayroon akong dahilan,” paliwanag pa niya.
Pero sa kabila nito, hindi pa rin bumitiw si Isko sa relasyon nila ni Dynee. Hanggang sa isang araw, sinundo ng alkalde si Dynee sa eskwelahan nito sa Taft at dinala sa isang restaurant sa Malate kung saan sila nagkaroon ng civil ceremony.
“I was wearing my typical punit-punit na jeans. As in umuwi ako nang may singsing,” kuwento ni Dynee.
Samantala, nang matanong kung anong klase kaya siyang first lady kapag nanalong pangulo ang kanyang asawa, “Kung si Isko magiging presidente, mas lalong mawawalan ng isang magulang na present sa mga anak ko so I really have to work double time.”
“Kailangan ko pa rin ituloy kung paano pangalagaan ang asawa ko so I have to stay as a mother, as a wife,” dugtong niya.
“Very open ‘yung communication namin ni Papa. Na-realize namin ’yan when he stopped from politics last time in 2016 (natalo nang tumakbong senador).
“He felt na para siyang nalagasan, nawalan ng kaibigan at naramdaman din niya na at the end of the day, ako lang talaga ’yung No. 1 fan niya. Pero at the same time sinasabi ko din sa kaniya kapag hindi ako kumportable, kapag hindi ko gusto ’yung ginagawa niya,” aniya pa.
Talaga raw sinasabi niya sa asawa na, “Mali, Papa. Mahal kita, kaya ko sinasabi na mali ’yan. I call him my best friend. Wala kaming tinatago sa isa’t isa, ‘yun ang pagkakaalam ko.”
Pahabol pa ni Dynee, “Kung ano ang ginagawa niya ngayon. I’m trying to duplicate it because I’m the closest to him, like a surrogate. Ako yung nagpapaliwanag, nagpapakilala sa tao kung sino si Isko.”
Sa huli nagbigay din siya ng mensahe sa mga nangnenega kay Isko, “Bahala na ang Diyos sa inyo. Sana balang araw makita ninyo ’yung totoong Isko.”
https://bandera.inquirer.net/308161/dynee-domagoso-sa-nagsasabing-nagmamadaling-maging-pangulo-si-isko-aba-dapat-lang-hindi-puwedeng-mabagal
https://bandera.inquirer.net/299074/isko-sinagot-ang-komento-ni-lolit-solis-na-maaga-pa-para-tumakbong-pangulo-sa-2022
https://bandera.inquirer.net/286872/jake-iniipon-ang-talent-fee-para-sa-kinabukasan-ni-ellie-isko-leni-tandem-sa-2022-posible-ba
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.