Target ni Tulfo by Mon Tulfo
BOBO, estupido, tanga, gago.
Yan ang mga insultong dapat ipukol sa mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic-TIM, ang pribadong kompanya na inarkila upang magpatakbo ng mga computer machines na gagamitin sa May 10 election.
Pumalpak ang mga makina sa trial run sa iba’t ibang presinto sa bansa ilang araw na lang bago ang eleksyon.
Por Dios, por santo! Bakit ilang araw na lang bago mag-eleksyon ginawa ang testing samantalang marami silang panahon para gawin yun?
Dapat sana ay matagal nang ginawa ang testing—mga ilang buwan bago mag-eleksyon—upang maremedyuhan ang mga glitches o technical foul-ups.
Kapag ipagpatuloy ang eleksyon sa Lunes, baka magkaroon ng failure of election dahil sa mga depektibong makina.
* * *
Dahil makaangal ang mga opisyal ng Comelec nang magwala si dating Energy Secretary Angelo Reyes noong Martes sa Comelec press briefing.
Sinabi ni Reyes na dapat bitayin ang mga opisyal ng Comelec dahil sa kapalpakan ng voting machines.
“People responsible in this anomaly must be hanged,” sigaw ni Reyes.
Inayunan siya ni Makati Rep. Teddyboy Locsin, co-chair of Joint Congressional Oversight Committee on Automated Elections.
Sabi ni Locsin: “Dapat lang (na bitayin ang mga opisyal ng Comelec at Smartmatic-TIM) kasama ang mga taong responsable sa power crisis.”
Ang tinutukoy ni Locsin ay ang mga brownouts sa buong bansa sa mga linggong nagdaan.
* * *
Kung ang taumbayan ang tatanungin ninyo, baka mahina ang bitay para sa mga opisyal ng Comelec at Smartmatic-TIM.
Sa bitay, patay agad sila. Dapat siguro ay bitayin sila ng patiwarik at pugutan ng ulo matapos silang lagutan ng hininga.
At itapon ang kanilang mga ulo sa dagat upang di mahawa ng kanilang utak ang taumbayan.
Baka kasi nakakahawa ang kabobohan at katangahan ng mga opisyal ng Comelec at Smartmatic-TIM.
* * *
Bakit nga ba nagwala si Reyes?
Sa mock election sa Taguig, hindi kinuwenta ng voting machines ang mga boto para sa anak ni Reyes na si Jett kahit na isinulat ng kanyang mga supporters at watchers ang kanyang pangalan sa kanilang mga balota.
Noong Marso lang iprinoklama si Jett na congressman ng Taguig matapos ang tatlong taong protesta. Inalis ang kanyang karibal na si Henry Duenas sa puwesto.
Tumatakbo uli si Jett bilang congressman.
May hinala si Reyes na niluluto ang pagkatalo ng kanyang anak at maaaring tama siya.
Sa ipinakitang kapalpakan ng mga makina sa Taguig at sa ibang lugar sa bansa, hindi malayong mangyari na palpak ang eleksyon sa Lunes.
* * *
Matatagalan upang mabigyan ng correction ang mga glitches ng voting machines.
Dapat sigurong ipagpaliban ang botohan sa Lunes at bigyan ng ilang araw ang Comelec at Smartmatic na ituwid ang kanilang mga pagkakamali.
Kung hindi nila maituwid ang kapalpakan, dapat sigurong sundin ang panukala nina Reyes at Locsin na sila’y bitayin.
* * *
Binaligtad na ni Justice Secretary Alberto Agra ang kanyang desisyon na alisin ang dalawang miyembro ng Ampatuan clan sa mga akusado sa Maguindanao massacre.
Kung hindi pa umalma ang taumbayan baka hindi nagbago ng desisyon si Agra.
Kung tutuusin, di mo masisisi si Agra dahil sumusunod lang siya sa utos ng kanyang boss sa Malakanyang.
Malaki kasi ang utang na loob ni Pangulong Gloria sa mga Ampatuan dahil zero ang kanyang kalaban na si Fernando Poe Jr. sa Maguindanao noong 2004 presidential election.
Bandera, Philippine News, 050610