Bandera Editorial
PUWEDE. Matagal nang ginagawa ng Commission on Elections ang pagpapaliban sa mga halalan, sa lugar na magugulo, kapag nabalam ang pagbibiyahe ng mga materyales at gagamitin sa halalan dahil sa masamang panahon o di natuloy ang biyahe, nasunog ang gagamiting paaralan (ipagpapaliban kung walang malilipatan, pero karaniwang ipinagpapaliban dahil ihahanda muna ang lilipatang paaralan bago ito buksan sa mga botante), atbp. Sa ilalim ng automation, di pa natin alam ang mga mangyayari at hanggang ngayon ay puro haka-haka at pangamba lamang mula sa mga sapot sa utak ng walang maisip na positibo ang ating nadidinig. Kung pakikinggan nga sila ay talagang nakatatakot at parang guguho na ang katinuan. Ganyan kagaling ang mga isipang negatibo.
Dagdagan, at ginatungan pa, ng pagsulpot ng umano’y Oplan Rafael (Restore Arroyo for Failure of
Elections). Hayan na naman ang mga negatibo. Hayan na naman ang mga walang maisip na positibo sa bansa.
Hayan na naman ang mga grupo na kailanman ay di naging katuwang ng gobyerno sa pagtataguyod ng bansa (pero,
hayun, may mga lider pa sila na ibig maging senador).
At hayan na naman ang walang naitulong sa mahihirap.
Bakit ba talagang ibig nilang bumagsak na ang gobyerno (sila ba ang papalit?)? Bakit ba wala silang nakikitang magandang ginawa at inihalimbawa ng nakalipas na mga pangulo (at ang pakiramdam nila ay sila lang ang magagaling at may solusyon kung sila ang papalit)?
Sige. Gatungan pa ninyo. Paypayan pa ninyo ang maliit na baga para madaling lumaking apoy sa kainitan ng panahon at kampanya. Sige pa.
Nakamasid lamang ang militar. Nasa paligid lang ang mga pulis. May mga politikong malalapit sa militar. May mga lider na nakasandal sa pulisya. Sang-ayon ang Saligang Batas na kumilos ang militar, katuwang (siyempre at muli) ang pulisya, para pairalin ang kaayusan, para supilin ang gulo, para labanan ang mga komunista na naglalaway pa rin sa kapangyarihan, tulad ng gutom na aso na walang nakakagat na buto.
Gusto mo bang humantong ang makasaysayang Lunes sa pagsisisihan at panghihinayangan ng nakararami?
O ipagpaliban muna ang eleksyon sa mga problemadong lugar, at muling gawin pagkalipas ng ilang araw kapag puwede na, tulad ng nangyari sa Lanao del Norte at Maguindanao?
Bandera, Philippine elections, 050510