BINANATAN ng komedyana at dating host ng “Eat Bulaga” na si Gladys Guevarra si Megastar Sharon Cuneta dahil pa rin sa pang-ookray nito kay senatorial candidate Salvador “Sal” Panelo.
Galit na galit si Gladys na kilala rin sa tawag na Chuchay nang mabasa ang patutsada ni Mega kay Panelo matapos nitong kantahin ang signature song niyang “Sana’y Wala Nang Wakas” sa isang LGBTQIA+ event ni vice presidential candidate Sara Duterte sa Quezon City nitong nagdaang Huwebes, March 10.
“Nanang ko po please lang nakakahiya naman sa amin ni Willy Cruz! You are not allowed to use our song! Don’t mess with a classic. I allow its use only for Leni-Kiko! LOL.
“Utang na loob baka bumangon si Willy nakakahiya naman sa amin! Kinilabutan ako. In a bad way. LOL,” ang sabi ni Sharon sa isa niyang Instagram post na deleted na ngayon.
Para kay Gladys, foul na foul ang ginawang paninita ni Sharon sa abogado na isang malinaw daw na patunay kung ano talagang klaseng tao ang asawa ni Sen. Kiko Pangilinan.
Nag-sorry naman agad si Panelo kay Sharon sabay sabing kinanta lamang niya ang “Sana’y Wala Nang Wakas” para ialay sa yumao niyang anak na si Carlo Panelo III, na may Down Syndrome.
Sa Facebook post ni Gladys kahapon, March 13, sinabi niya na nakaka-relate siya kay Panelo dahil meron din siyang pinsan at pamangkin na may Down Syndrome at may anak din daw siya na may Autism.
“Bilang may pinsan at pamangkin akong may Down Syndrome, may pamangkin din ako at may anak akong may Autism…sinasaluduhan at nirerespeto ko si Senator Panelo hindi sa kahit ano pa mang political reasons. Pero sa pagiging Amazing Father niya,” simulang pahayag ng komedyana.
Pagpapatuloy pa niya, “Dati idolo ko si Sharon Cuneta, tuwang tuwa pa ko ng magkaroon ako ng pagkakataong makilala sya ng personal noon sa Eat Bulaga. Nakakapanghinayang lang, at tama naman din yung isang nabasa ko.”
Hirit pa niyang mensahe kay Mega, “Sayang yung ilang dekadang binuo mo at pinaka ingatang magandang imahe, sinira mo lang sa iisang nakakaidiring post at negative reaction mo sa ginawang pag awit ni Senator Panelo sa kanta na sinasabi mong dapat ipinaalam sa ’yo.
“I used to have so much respect sayo Mega, bilang mang aawit din ako.
“Ngayon, malinaw pa sa mineral water na nakita ng lahat ang tunay mong ugali,” matapang pang patama ni Gladys sa OPM at movie icon.
Hanggang ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag o official statement si Sharon hinggil sa kontrobersyang ito. Abangers ang madlang pipol kung magso-sorry ba siya kay Panelo o paninindigan niya ang kanyang mga sinabi.
https://bandera.inquirer.net/307903/sharon-kinastigo-ng-netizens-dahil-sa-pang-ookray-kay-panelo-wag-daw-masyadong-feeling-magaling
https://bandera.inquirer.net/307785/panelo-kay-sharon-cuneta-i-sing-your-song-to-honor-my-son
https://bandera.inquirer.net/293169/gladys-balik-stand-up-comedy-sa-us-asawa-na-shock-grabe-iba-ka-pala-talaga-mahal