Willie Revillame at Aga Muhlach
HINDI diretsong sinagot ng award-winning actor na si Aga Muhlach ang tanong kung totoong sasama siya kay Willie Revillame sa paglipat nito sa Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS).
Napabalita noon na ang pagdalaw ng kaibigan niyang si Willie sa bahay nila ng kanyang asawang si Charlene Gonzalez noong Feb. 7 ay para raw alukin siya ng pwesto sa AMBS na pag-aari ni dating Sen. Manny Villar.
Ito’y kasunod nga ng balitang ang pamilya Villar ang nakakuha “provisional authority” para patakbuhin ang frequency na dating pagmamay-ari ng ABS-CBN.
Sinundan pa ito ng announcement ni Willie na aalis na ang programa niyang “Wowowin” sa GMA 7 para nga lumipat sa AMBS kung saan isa siya sa mga executive na magpapatakbo ng network.
Naitanong nga kay Aga ang tungkol sa offer sa kanya ni Willie sa naganap na virtual mediacon ng bago niyang show sa NET 25, ang “Bida Ka Kay Aga” last Thursday, March 3.
“Wala namang issue du’n, no, Willie and I are good friends. Right now, I’m just focused. I’m happy with Net 25.
“As long as they like me, as long as gusto nila ako and yung services ko is okay pa sa kanila, I will remain with them. That I can say,” sagot ng premyadong aktor at TV host na bukod sa “Bida Ka Kay Aga” ay may ongoing pa siyang isang game show sa NET 25, ang game show na “Tara Game, Agad Agad!”
Paglilinaw pa niya sa isyu ng network transfer, “You know, hindi naman ako ganu’n. Like, kinuha ako ng Net 25, na sa kanila ako. Masaya sila sa akin, masaya ako sa kanila, tuluy-tuloy lang.
“Nakakapagbigay ako ng ligaya sa kanila sana, at sila naman nakakapagbigay ng ligaya sa akin.
“So, by these shows, lahat naman ng i-request ko binibigay naman nila tulad ng Tara Game na makapagbigay tayo sa tao, mapasaya natin sila. Itong Bida Ka Kay Aga, binibigay nila yun, so maraming-maraming salamat,” paliwanag ni Aga.
Paniniguro pa ng aktor, “In terms of other stations, priority ko ang Net 25. Ngayon, kung magkakaroon ng ibang shows, parati akong magpapaalam sa Net 25, always, kasi dito ako nag-umpisa.
“Yun ang delicadeza ko, hindi na nawala sa akin,” ang pahayag pa ng mister ni Charlene.
Bukod kay Aga, may chika ring kinausap ni Willie ang dalawa pang kaibigan niya na sina John Estrada at Randy Santiago para samahan siya sa pagpapatakbo ng AMBS.
Ibinuking din ng dating Kapamilya news anchor at TV host sa isa niyang Facebook Live na nakapalitan din niya ng mensahe si Willie.
Tinanong daw siya nito kung hanggang kailan ang kontrata niya sa DZRH kaya ang feeling niya, mukhang balak pa raw siyang piratahin ng dating Kapuso host.
https://bandera.inquirer.net/296760/aga-napiling-host-sa-bagong-game-show-ng-net-25-aiko-jay-4-years-nang-magdyowa
https://bandera.inquirer.net/305135/wowowin-choreographer-naghahanap-na-ng-bagong-dancers-ambs-bukas-na-sa-aspiring-talents
https://bandera.inquirer.net/307111/fish-vendor-ka-security-guard-market-vendor-ka-bida-kayo-sa-akin