DEAR Aksyon Line
Ako po ay palaging nagbabasa ng inyong column sa Aksyon Line. Mabuhay po ang pahayagan ninyong Inquirer Bandera. Makailang beses na rin po na may lumabas na column ninyo tungkol po sa insurance coverage sa ilalim ng Employees
Compensation Commission o ang ECC kung tawagin.
Na-search ko po ang ECC po pala ay isang attached agency ng DOLE. Natuwa po ako dahil isa rin po pala eto sa maaring sandalan ng mga manggagawa na tulad ko. Ako po ay miyembro ng SSS. May gusto po sana akong itanong tungkol sa ECC dahil ako po ay isang computer technician na nagtatrabaho sa isang malaking Fishing company dito sa Navotas. Noon lamang pong isang linggo ay naaksidente ako nang ako ay sumampa sa barko. Na out of balance ako at napuruhan ang aking tuhod.
Agad naman po akong pinadala ng kumpanya namin sa ospital.
Sa ngayon ay nagpapagaling pa po ako at hinihintay pa ang result ng mga test.
Gusto ko lang po na malaman kung sa ganitong pagkakataon ay entitled po ako sa insurance coverage o sa bene-pisyo ng ECC.
Ako po ay umaasa para sa dagliang katugunan sa pamamagitan ng column na ito.
Salamat po.
Jereme de Guzman
REPLY: Ang Employees’ Compensation Program (ECP) ay isang programa ng pamahalaan na naglalayong makatulong sa mga manggagawang nagkasakit o naaksidente nang dahil sa trabaho.
Sa mga sinabi mong pangyayari, pwede kang mag-file ng claim sa malapit na SSS sa iyong paggawaan o sa iyong tahanan.
Gusto naming ipaalam sa iyo na may mga pagkakataon din na hindi mababayaran ang pagkakaasidente ng isang manggagawa kahit nasa trabaho kung ang aksidente ay dahil sa kalasingan ng manggagawa, ang kanyang kusang pagpinsala, pagpatay sa sarili o sa iba; at, ang kanyang labis na kapabayaan.
Ang mga benepisyo na nakukuha sa ilalim ng ECP ay (a) loss of income benefit. Ito ang benepisyong nauukol sa pagkawala ng kita sa pagliban ng manggagawa dahil sa kanyang aksidente; (b) Temporary total disbility. Ang pinakamataas na daily income benefit ay P200 at maaari itong bayaran nang higit sa 120 araw pero hindi hihigat sa 240 araw; (c) Permanent partial disability. Ito ay may kaakibat na benepisyo sa pagkawala ng parte ng katawan o gamit nito; (d) Permanent total disability; (e) medical service, appliances at supplies. Ito ay ipinagkaloob sa nagkasakit na manggagawa simula sa unang araw ng pagkakasakit o bagkabalda at habang kailangan niya hanggang sa siya ay gumaling. Kasama dito ang kabayaran sa ospital, sa doktor at mga gamot na kinakailangan; (f) Rehabilitation service. Ang mangaggawa ay sumasailalim sa remedial treatment, at pagsasanay bokasyonal o entrepreneurial training para siya ay makabalik sa trabaho. (g) May career’s allowance din; (h) funeral benefit at death benefits .
Hayaan natin, Jerome, na i-evaluate ng SSS ang iyong claim dahil sila ang administering agency ng ECP sa mga taga-pri-badong sektor. Pag di ka nasiyahan sa desisyon ng SSS pwede ka pa rin mag-file ng motion for reconsideration sa SSS main office. Pag di pa inaprubahan ng SSS main office ang iyong claim pwede mo na itong iapela sa Employees’ Compensation Commission.
Sana nabigyan namin nang linaw ang iyong katanungan.
Maraming
salamat sa iyo.
Cecil E. Maulion
Chief-Information and Public Assistance Division
ECC