Mon Confiado 11 years nang walang dyowa: Tinanggap ko nang matandang binata na ako…

Mon Confiado

KNOWS n’yo bang mahigit isang dekada nang single ang veteran actor na si Mon Confiado at mukhang tanggap na niya sakaling tumanda man siyang binata.

Inamin ng magaling na character actor sa isang episode ng “Bawal Judgmental” segment ng Kapuso noontime show na “Eat Bulaga” na halos 11 years na siyang walang karelasyon.

“Wala na, napaglipasan na, eh,” ang pag-amin ni Mon nang tanungin siya ng mga Dabarkads na sina Jose Manalo at Paolo Ballesteros kung bakit hindi na siya nagkaroon ng girlfriend.

Paliwanag pa ng beteranong aktor, sa paglipas ng panahon at sa edad niya ngayon ay nagbago na ang pananaw niya tungkol sa pakikipagrelasyon.

“Iba na yung hinahanap ko. Na-experience ko na kasi halos lahat ng ligawan, kumbaga relationship.

“Isang malaking factor din siguro na galing din ako sa isang mahabang relasyon na 17 years tapos walang nangyari,” katwiran ng binata.

Aniya, baka raw wala ring mangyari at sa hiwalayan din mauwi kapag  nakipagrelasyon siya uli sa puntong ito ng kanyang buhay.

Isa pa raw sa dahilan kung bakit hindi na siya nanligaw ay dahil sobrang busy siya sa trabaho at isa sa tinatarget niya ngayon ay ang makasama sa mga international films.

“Isama na rin yung busy sa trabaho. Alam naman ng lahat yung dedication ko sa acting medyo extreme,” pahayag pa ni Mon.


Natanong din nina Jose at Paolo si Mon kung hindi ba niya naiisip o hinahanap-hanap yung mga pagkakataong may sumasalubong sa kanya kapag umuuwi galing sa pagtatrabaho.

Sagot ng binata sanay na raw siyang sarili lamang ang iniintindi at inaasikaso, “Nag-iba na yung mindset ko, tinanggap ko nang matandang binata na ako.”

Pero nilinaw naman ni Mon na bukas pa rin naman ang kanyang puso para sa bagong relasyon pero kung wala raw talagang darating, okay lang din sa kanya.

“Si Lord lang ang makakaalam kung kailan darating ang tamang makakasama sa buhay. If ever, why not?” chika ni Mon Confiado.
https://bandera.inquirer.net/292887/hamon-ni-neil-sa-public-official-na-nang-insulto-kay-angel-kung-matapang-ka-talaga-kita-tayo-lalake-sa-lalake

https://bandera.inquirer.net/293014/usec-cualoping-hindi-kumasa-sa-lalake-sa-lalakeng-hamon-ni-neil-it-does-not-solve-anything

https://bandera.inquirer.net/288088/david-ayaw-pang-magpa-sexy-nang-tado-gustong-makatrabaho-si-bea-i-want-to-be-john-lloyd-for-a-day

Read more...