Neil Ryan Sese
GABI-GABING umiiyak ang Kapuso character actor na si Neil Ryan Sese noong simulan niya ang kanyang seafood business sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Isa ang aktor sa mga artistang nawalan ng trabaho at raket noong kasisimula pa lamang ng pandemya kaya nag-isip siya ng paraan para kumita ng pera habang walang proyekto.
Hanggang sa pasukin na nga ni Neil ang seafood business. Pero inamin niya sa panayam ng “Mars Pa More” na napakahirap din ng pinagdaanan niya noong sinimulan niya ang kanyang negosyo.
Kuwento ng aktor, isang kaibigan niya ang nagkumbinsi sa kanya na subukan ang nasabing negosyo pero nagulat siya dahil hindi raw pala ganu’n kadali ang napili niyang business.
“Ang hirap ng negosyong seafood. Mahilig lang ako sa seafood pero wala akong alam sa business side.
“Nu’ng nag-start na yung business, grabe ang hirap talaga, nalula ako. First three weeks ko, umiiyak ako gabi-gabi,” pahayag Niel.
At hindi lang daw pressure at ang hirap ng pagpapatakbo ng negosyo ang naging rason ng kanyang anxiety kundi pati na rin daw ang pagbibiro ng mga kaibigan.
“May kasama pa, yung mga kaibigan mo pinagtatawan ka. Na parang, ‘Artista ka tapos ngayon nagbebenta ka ng seafood, nagdedeliver ka pa,” pag-amin ng Kapuso actor.
Hindi naman daw niya ito ikinagagalit at naiintindihan niyang joke-joke lamang ito ng mga kaibigan pero dahil nga sa pagiging sensitive dulot ng mga challenges na nararanasan ay nakaapekto rin ito sa kanyang mental health.
“Alam ko naman nu’ng una na joke din lang naman sa kanila ‘yon pero nung sensitive ako. Halimbawa kung napagkuwentuhan namin nung regular inuman, tatawanan ko ‘yan,” ani Neil.
Sabi pa ng aktor, kahit daw lalaki siya, talagang hindi niya mapigilan ang umiyak lalo na kapag nag-uusap na sila ng kanyang asawa at anak.
Ngunit sa pagdaan ng panahon at sa patuloy na pagsusumikap, napagtagumpayan din ni Neil ang lahat ng pagsubok at malaking bahagi raw ng kanyang tagumpay ang pagtulong ng mga kapwa celebrity na umoorder sa kanya.
At mas lalo pa raw dumami ang kanilang mga customer nang mag-post na sa kanilang social media accounts ang mga artistang umoorder sa kanya.
Malaki rin ang pasasalamat ni Neil sa “Eat Bulaga” dahil mula raw nang mag-guest siya sa “Bawal Judgmental” segment at maikuwento ang tungkol sa kanyang seafood business ay mas bumongga pa ito.
Kaya naman ang mensahe ni Neil sa lahat ng mga nagsisimula pa lamang sa negosyo, “Sa una lang mahirap ang lahat ng bagay. Yung kasabihan na kung may tiyaga may nilaga, totoong-totoo po yun.”
https://bandera.inquirer.net/282596/angel-umaming-walang-dream-wedding-si-neil-talaga-yung-groomzilla-hindi-ako
https://bandera.inquirer.net/291470/regine-umiiyak-habang-minamasahe-ni-ogie-im-so-so-so-in-love-with-my-husband
https://bandera.inquirer.net/290672/liza-nagsalita-ukol-sa-kumakalat-na-fake-news-sa-kanyang-business-may-payo-sa-kapwa-business-owners