Jolina inaatake ng anxiety: May times na nasusungitan ko ang mga bata pati si Mark

Mark Escueta, Jolina Magdangal, Pele at Vika

INAMIN ng Kapamilya actress at TV host na si Jolina Magdangal na inaatake siya matinding anxiety. 

Matapang na inamin ni Jolens sa madlang pipol na pabalik-balik daw ang nararamdaman niyang takot at pag-aalala nitong mga nagdaang linggo.

Sa kanyang Instagram account,  ibinahagi ng “Magandang Buhay” host na hindi niya sinabi sa asawang si Mark Escueta ang nararamdaman dahil sa pag-aakalang mawawala rin ito.

Sabi ni Jolens sa caption ng kanyang IG post, “For the past weeks, on and off ang worries and anxiety na nararamdaman ko. 

“Hindi ko ito sinasabi kay Mark kasi naisip ko baka lilipas din. Minsan pinagdadasal ko na ‘wag na ako makaramdam ng negative at ‘wag ko na intindihin ang ibang tao na wala naman din pakialam sa feelings ko,” mensahe pa ng celebrity mommy.

At dahil nga sa nararamdamang anxiety, hindi niya minsan makontrol ang kanyang emosyon kaya may mga pagkakataon na nasusungitan niya si Mark.

“Dahil sa mga worries na ‘yun may mga times na nasusungitan ko ang mga bata at si Mark, minsan wala ako naiisip na bonding namin.

“Minsan pakiramdam ko, balewala lahat ng efforts ko para magawa lahat ng dapat gawin ng isang nanay sa isang buong araw. 

“Minsan humaharap ako sa salamin at sinasabihan ko sarili ko ng ‘huy! Ano ka ba! Umayos ka! Marami ka pang gagawin today at kailangan mo pa asikasuhin pamilya mo,’” aniya pa.


At nito ngang nagdaang Valentine’s Day, may natanggap na surprise si Jolina mula kay mister na napakalaking tulong para mawala ang kanyang mga pangamba.

“Valentine’s Day ngayon pero sa ginawang surprise ni Mark, Pele and Vika, pakiramdam ko Mother’s Day at birthday ko. 

“NAPAHAGULGOL TALAGA AKO MGA MOMSH!!! ibang klase talaga si Papa Jesus magbigay ng kasagutan ‘pag malalim na ang nararamdaman natin. 

“Pinaalala N’ya sa ‘kin na mas madami pa rin akong dapat ipagpasalamat sa buhay ko na makakatalo worries ko,” pahayag ni Jolens.

Nagpasalamat at nag-sorry din siya kay Mark pati na sa kanyang mga anak sa mga pagkakataong inaatake siya ng anxiety kasabay ng paalala sa mga kapwa niya nanay na may pinagdaraanan.

“To everyone na may pinagdadaanan or may mabigat na nararamdaman, nawa’y hindi lang ang araw na ito ang puno ng pagmamahal… dapat araw araw. Happy Valentine’s Day!” ang makabuluhan pang mensahe ni Jolina.

Read more...