Kim Atienza
HINDI pinalampas ng Kapuso TV host na si Kim Atienza ang reaksyon ng isang netizen tungkol sa mataas na rating na nakuha ng isang programa niya sa GMA 7.
Ipinost kasi ni Kuya Kim ang latest result ng isang survey para sa mga humahataw na TV show ngayon sa ratings game at kabilang nga rito ang Kapuso news magazine show nilang “Dapat Alam Mo!”
Ayon sa post ng TV host, mataas ang nakuhang rating ng nasabing programa kumpara sa mga nakatapat nilang show last Valentine’s Day, Feb. 14.
Base sa NUTAM People Ratings (Nielsen Phils TAM), nakakuha ng 7.2 percent ang combined ratings (GMA at GTV) ng “Dapat Alam Mo!” habang ang TV5 news program na “Frontline Pilipinas” ay may 2.3 percent, at ang “PBB Kumunity Season 10” ng A2Z at Kapamilya Channel ay nakapagtala ng 0.8 percent.
Bukod sa GTV, napapanood na rin ngayon ang “Dapat Alam Mo!” sa GMA 7 na siyang naging kapalit ng “Wowowin: Tutok To Win” ni Willie Revillame. Kasama ni Kuya Kim dito sina Emil Sumangil at Patricia Tumulak.
Sa ipinost na art card ni Kuya Kim sa social media tungkol sa mataas na rating ng kanilang show, may netizen na nagkomento ng, “Wala naman kayong kalaban, e.”
Sinagot ito Kuya Kim at ipinagdiinang walang mabuting naidudulot ang patuloy na network war.
“Wala talaga dapat kapamilya, Kapuso o kapatid. Network wars bring nothing but hatred between fans that are better off enjoying ALL channels,” pahayag ng TV host.
Kasunod nito, isa-isa niyang sinagot ang mga nag-congratulate sa kanilang programa. Pati sa Instagram ay nag-post siya ng art card na may nakasulat na, “LORD THIS IS YOUR SHOW!” sabay pasalamat uli sa kanilang supporters.
Sa comments section, dinugtungan naman ng isang netizen ang caption ni Kuya Kim. Anito, “THIS IS YOUR TIME.” Pero hindi na nito itinuloy ang sasabihin na obviously at ang tagline ng dating show ni Kuya Kim na “It’s Showtime”.
Bukod sa “Dapat Alam Mo!”, kasama rin siya sa morning talk show na “Mars Pa More” at napapanood din siya sa isang segment ng “24 Oras.”
Halos 17 years nagtrabaho si Kuya Kim sa ABS-CBN bago lumipat sa GMA noong October, 2021.
https://bandera.inquirer.net/298385/kuya-kim-may-swabeng-hirit-kay-ogie-diaz-bawal-ikampanya-ang-ama-sa-eleksyon-2022
https://bandera.inquirer.net/300439/alden-dennis-heart-carla-king-queen-ng-gma-primetime-waging-wagi-sa-ratings-game
https://bandera.inquirer.net/303704/vice-inalok-na-tumakbo-sa-eleksyon-2022-naloka-ako-ipapahamak-ko-ang-pilipinas