Mga celebs, Pinoy workers umalma sa ‘Pagod Len-Len’ video; hindi tamang tawaging ‘stupid’ ang nagtatrabaho ng 18 oras
Xian Gaza, Darryl Yap at Bianca Gonzalez
INALMAHAN ng mga celebrities pati na ng ilang ordinaryong manggagawa ang viral na ngayong satirical video tungkol sa mga nagtatrabaho ng 18 hours.
Hindi naging katanggap-tanggap ang content ng isinulat at ginawang video ni Direk Darryl Yap kung saan mapapanood sina Imee Marcos, Juliana Parizcova Segovia at Roanna Marie.
May kanya-kanyang interpretasyon ang mga Filipino workers sa nasabing video na may titulong “Pagod Len-Len”. Ito’y pangnenega sa naging statement ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo na 18 oras daw siyang nagtatrabaho sa isang araw.
Sa ending ng video ay may nakalagay na caption na “Anyone who claims to work 18 hours a day is either lying or stupid,” na nakuha naman sa isang artikulo mula sa inc.com.
Mababasa roon ang tungkol sa isang pag-aaral (mula da Stanford University) na nakasasama ang pagtatrabaho ng long working hours, “Once you reach somewhere between 40 and 49 hours, additional hours produce diminishing returns.
“And after 49 hours or so, the more you work, the less effective you become,” ang nakasaad sa nasabing artikulo.
At kahapon nga, naging isa sa top trending topic ang #AkoSiLenLen na tumatalakay nga sa pagtatrabaho sa loob ng 18 oras sa isang araw.
Hati ang reaksyon ng mga Filipino hinggil dito pero karamihan sa mga nababasa namin sa social media partikular sa mga taong todo-kayod ay nagpatotoong may katotohanan ang sinabi ni VP Leni.
May ilan namang kumontra sa bise-presidente at nagsabing hindi dapat i-normalize ang long working hours bilang “good labor practice.”
Ayon naman sa isang celebrities hindi tamang tawaging “stupid” o “sinungaling” ang mga kumakayod ng mahabaang oras.
Ayon sa tweet ni Bianca Gonzalez, “Saludo sa lahat ng mga nagtatrabaho at kumakayod ng 18 hours or more in a day para lang kumita ng ikabubuhay ng sarili’t pamilya.”
May paandar na reaksyon naman ang social media personality na si Xian Gaza hinggil dito sa kanyang Facebook post, “Kahit matulog ako 18 hours a day… kahit tumambay ako for 18 consecutive days… kahit magbakasyon ako for 18 weeks… kikita pa rin ako ng milyones.
“Pero never kong i-invalidate yung mga taong nagtatrabaho ng higit disiotso oras kada araw para lamang i-prove yung point ko sa pulitika. Hindi tama. Very wrong.”
Hirit pa niya, “‘Eh Xian, ‘di ba tropa mo si Darryl Yap?’ Kahit kaibigan o kakilala pa kita, ang mali ay mali. Pero hinding-hindi ko tatapusin ang ating pagkakaibigan nang dahil lamang sa isang opinyon na hindi ako sang-ayon. Ang tunay na tropa ay ico-correct ka sa mga panahong nawawala ka sa tamang hulog.”
Nabasa rin namin ang mga ipinost ng netizens kung saan inisa-isa pa nila ang mga trabahong tumatagal ng 18 hours o mahigit pa kabilang na nga rito ang mga bayaning frontliners kabilang na ang mga doktor, nurse at iba pang healthcare workers.
Nandiyan din daw ang mga magsasaka, mangingisda, teachers, abogado, accountants at mga manggagawang involved sa food and beverage services.
Nauna rito, matinding batikos ang inabot ni Direk Darryl pati na ng mga personalidad sa video. Bukas ang BANDERA sa kanilang magiging paliwanag at depensa hinggil sa isyu.
https://bandera.inquirer.net/281114/albie-kinuyog-ng-mga-dds-pero-hindi-nagpasindak-bashers-tinawag-na-stupid-idiot
https://bandera.inquirer.net/294599/kuya-kim-sa-pag-alis-sa-abs-cbn-at-paglipat-sa-gma-malungkot-na-masaya-mabigat-na-excited
https://bandera.inquirer.net/294780/bine-baby-hugot-post-ni-kc-patutsada-nga-ba-kay-mega
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.