Masyadong maangas ang panahon ngayon. Matitindi ang mga pananalita ng mga kandidato lalo na ang mga supporters. Magnanakaw, adik, tamad, sinungaling, lutang, bobo, maraming boss, balimbing, duwag, corrupt at kung anu-ano pang lumalagablab sa parehong “social” at “mainstream media”.
Kasisimula pa lamang ng “official national campaign”, bale 87 days na ngayon,pero matindi ang patutsadahan at girian. Matindi ang “cancel culture” na iginigiit na “bobo”, “tanga” at “walang alam”ang mga sumusuporta sa mga kandidato. Sa mga kumokontra, ito ay panlalait sa kaisipan lalo na ng mga mahihirap.
Maraming magkakakilala, magkakaibigan, kahit magkakamag-anak o ay nagkakagalit-galit dahil sa pulitika, kahit ito’y “national elections”, hindi lokal. Kaya naman, mapapaisip ka, bakit malalalim ang mga hidwaan ngayon?
Kaya, ako po’y kinakabahan ng husto dahil napakaaga pa, pero nagiinsultuhan, nagkakapikunan na ang mga nagtutunggaling panig na sinisilaban ng mga “trolls” ng magkabilang panig, anuman ang mga kulay. Sana naman po, ay huwag mauwi ang mga pagtatalong ito sa sobrang personalan, sakitan a karahasan.
Lalo pang nagpapainit sa sitwasyon ang napakabigat na hamong hinaharap ngayon ng oposisyon sa nangungunang kandidato na si BongBong Marcos. Kailangan talagang mapabagsak ang kanyang “rating” sa kahit anong paraan. Hindi pupwedeng pabayaang magtutuluy-tuloy sa susunod na mga linggo ang pamamayagpag niya sa mga botante. Kailanangang makadikit sina VP Leni Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Ping Lacson at Manny Pacquiao. Matindihan na ang batikusan ngayon at deretsahan na ang mga akusasyon kahit ng kaapwa kandidato na si Bongbong ay magnanakaw at sinungaling.
Pero, mukhang nabasura na naman ang kanyang disqualification cases sa First Division ng Comelec. At kahit umapela ang mga complainants sa enbanc at magsampa sa Korte Supremo, napakalabo nang matanggal ang pangalan ni Bongbong sa balota sa Mayo 9.
Kaya naman, tumitindi ang “kawalang pag-asa” ng oposisyon habang papalapit ang eleksyon. Sa hindi malamang dahilan, para yatang di na tinatablan o naubos na yata ang mga kanyon na ibinato dito kay Bongbong at hindi nagbabago ang kanyang mga numero. May nagsasabing nag-back-fire ang mga paninira tulad ng nangyari kay VP Robredo na lumagapak ang net satisfaction ratings sa December 2021 quarterly surveys sa napakaliit na +1. Noong September 2021, ang kanyang net satisfaction ratings ay +24. Sabi ng kanyang mga kapanalig, si VP Leni kasi ang nagging pinakamalaking biktima ang paninira ng mga trolls at iba pang maling impormasyon.
Kaya naman, interesanteng makita natin ang mga panibagong pre-election surveys ngayong Enero at Pebrero kung magkaroon ng mga pagbabago matapos ang nakaraang presidential interviews/debates at ang malawakang “promotion” upang iangat ang “public image” hindi lang kay VP ROBREDO, kundi maging sina Isko, Ping at Manny.
Pero, sa mga eksperto at political analysts na nag-aaral sa mga “perception surveys”, parang tapos na ang eleksyon lalo na ngayong papasok na “on the ground” ang mga “political bailiwicks”, “financial resources” at organisasyon ng mga kandidato.
Isa ang kaibigan kong broadcaster-columnist na si Tony Lopez ng BizAsia magazine na nagsabing napakahirap nang talunin si Bongbong. Ito ang sabi niya, “kung merong 67 million registered voters ngayon, ang expected na turnout sa eleksyon ay 60M”. “At kung totoo ang maraming pre-election perception surveys, ilagay na lang sa 50 percent ang boto ni Bongbong at 20 percent kay VP Leni, ibig sabihin nito, 30M ang magiging boto ni Bongbong at 12M naman kay VP o may kalamangang 18 million votes. Halimbawang sabihin nating maling mali ang mga surveys na ito at 50 percent ang margin of error, 9 million pa rin ang lamang ni Bong. At kahit gawin mo pang 75 percent ang margin of error, 4.5M votes pa rin ang kalamangan. At ngayong 87 days na lang ang natitira, dahil dito ay sumisikip ang mundo ng mga nasa oposisyon.
Pero, ito’y mga kathang isip at ispekulasyon pa rin dahil marami pang mangyayari.
Sa totoo lang, talagang kailangan ng isang malaking milagro para magbago ang direksyong pinupuntahan natin.
Muli, igigiit ko na hindi sana magkaroon ng kaguluhan, lalot nagbabaga ang mga emosyon ngayon. Sana naman, mabawasan kundi man matigil ang sobrang personalan at insultuhan ng mga naglalabang panig. Isang araw lang ang eleksyon, lilipas din iyan at pagkatapos, suportahan natin sino mang kandidato ang manalo.