Nagsagawa ang mga kandidato sa pagkapangulo, bise-presidente at senador ng kani-kanilang mga proclamation rallies sa iba’t ibang lugar sa pagsimula kahapon ng campaign period para sa national election. Walang duda na si VP Leni Robredo ang nangibabaw sa napaka-importanteng unang araw ng kampanya, ang proclamation rally. Base sa ating nakita, napanood, napakinggan at nabasa, ito lang ang kandidato sa pagkapangulo ang pinakitaan ng pambihirang pagtangkilik at pagtanggap ng kanyang mga supporters. Ito rin ang nagpakita ng pinaka-klaro at kumbinsidong plataporma at programa na nagbigay sa ating kababayan ng pag-asa na magkaroon ng isang magandang gobyerno.
Ang mayor ng Maynila na si Isko Moreno, kasama ang kanyang kandidato sa pagka bise-presidente at ang ilan nitong natitirang kandidato sa senado ay nagsimba sa Tondo church bago ito nagsagawa ng kanyang sariling version ng caravan (Blue Caravan) at sinubukang kulayan ng asul ang Maynila. Sa Kartilya ng Katipunan (Heroes Park-Manila) ginawa ang proclamation rally. Walang bagong sinabi. Marcos versus Aquino pa rin ang tinutulak nito
Hindi naman nagpatalo si Senator Manny Pacquiao na nagsagawa rin ng kanyang caravan kahapon sa General Santos City at ng kanyang proclamation rally dito (Oval Plaza) sa lugar kung saan unang nabuo ang pangarap na maiahon nito sa kahirapan ang sarili at ang pamilya. Sinabi ng senador na “ang laban ko ay laban ng bawat Pilipino. Dadalhin ko kayo sa kampeyonatong hangad ko.” Kayo na ang mag-isip kung ano ang ibig sabihin ng senador.
Matapos magsimba sa Imus, ang tandem ng beteranong senador na sina Ping Lacson at Tito Sotto ay nagsagawa naman ng kanilang proclamation rally sa makasaysayang probinsiya ng Cavite. Sa Imus Grandstand, pinakita ng mga Caviteño ang suporta nila sa kanilang kababayan. Matapang na sinabi ni Senator Lacson ang masakit na katotohan na “tayo pa ang namimili sa mga magnanakaw sa atin. Bakit binoboto natin yung mismong magnanakaw sa atin”? Sana ay tumatak sa isip ng ating kababayan ang mga salitang ito.
Kinilabutan naman tayo ng kantahin sa Philippine Arena (Bulacan), kung saan ginanap ang rally nina Marcos at Sara, ang awiting “Ang Bagong Lipunan”. Nagpapaalala ito sa atin at sa marami nating kababayan ang panahon ng martial law, ang pag-abuso sa kapangyarihan ng dating diktador Marcos Sr. at ng mga kapanalig nito, ang imeldific, ang mga nawala at ninakaw na salapi ng gobyerno at iba pa. Nakakalungkot, nakakatakot at nakakagalit, huwag na sanang maulit sa bansa natin ito. Para sa dating senador Ferdinand Marcos, Jr. ang pagtakbo nito sa pagkapangulo ay upang “ipagkaisa muli ang sambayanang Pilipino”. Ito lang ba ang plataporma at plano ng dating senador?
Ang proclamation rally naman ni VP Leni Robredo, Senator Kiko Pangilinan at ng mga kandidato nito sa senador ay ginanap sa Plaza Quezon, Naga City (Camarines Sur). Bago dito, umikot ang Team Leni sa ilang bayan at siyudad ng Camarines Sur. Nagkaroon naman ng mga political rallies, activities, caravans at pagtitipon sa iba’t-ibang lugar ng Metro Manila at ilang parte ng Luzon kasama na sa sinasabing “Solid North” upang ipakita ang suporta kay VP Leni. Maski sa Mindanao na balwarte ng mga Duterte at ni Pacquiao ay nagsagawa din ng mga ganitong political activities para ipakita ang suporta sa kandidatura ng bise-presidente. Nagkaroon ng pink caravan sa Bukidnon. Sabay-sabay na political rallies sa Cagayan de Oro at Misamis Oriental. Ganito rin ang naganap sa Zamboanga City at Isabela, Basilan na nagkaroon ng political rallies at motorcades. Maski sa General Santos City, na sinasabing Pacquiao country ay nagkaroon ng ganitong mga pagkilos. Sa Visaya, partikular sa Cebu City at Iloilo City, ay nagsagawa rin ng mga ganitong political activities para dito. Si VP Leni lang ang may ganitong klaseng supporters, mga volunteers na ang tanging hangad ay magkaroon ng matinong gobyerno.
Nagkaroon din ng political activities at pagpapakita ng suporta kay VP Leni sa social media sa araw mismo ng proclamation rally. Pinakita ng mga supporters ni VP Leni ang kanilang pagsuporta dito ng halos magkulay rosas na naman ang facebook dahil sa pagpalit, permanente o pansamantala ng kanilang FB profile na buong kulay rosas, o kaya letra o litratong kulay rosas. Nag-trend din sa twitter ang #KulayRosasAngBukas. Si VP Leni lang ang nabigyan ng ganitong pambihirang klaseng suporta at pansin sa mga facebook at twitter users.
Matapos ilarawan ang kanyang programang malinis, mahusay, masipag, tapat at maaasahang pamamahala at hindi ka nanakawan, tinapos ni VP Leni ang kanyang speech at sinabi na “Ihanda na ang mga bisig, dahil tinitiyak ko, walang kayang tumumbas sa pinagbigkis nating lakas. Kaya, tara na. Ipanalo na natin ito”!