Mariel Rodriguez at Robin Padilla
SA YouTube vlog ni Aiko Melendez ay nabanggit ng senatorial aspirant na si Robin Padilla na ang asawa niyang si Mariel Rodriguez ang gumagastos para sa kanyang pangangampanya.
Ang kinikita ni Mariel sa meat shop nitong Cooking Ina ang ipinambibili nila ng mga tarpaulin at t-shirts na ipinamimigay ni Robin sa mga tao kapag nag-iikot siya sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.
Kaya tinanong namin ang mama nina Isabella at Gabriela tungkol dito. “Kapag nagpapagawa kami ng t-shirt pakonti-konti lang kasi ‘yun lang ang kaya namin. Nu’ng birthday, Christmas at ngayong Valentine ‘yun ang gift ko sa kanya. Kasi wala talaga kaming pang-campaign,” pagtatapat ng misis ni Robin.
Tanda namin noon, nabanggit na hindi tatakbo si Robin dahil nga wala siyang malaking pera para sa kampanya, pero nabago ang desisyon ng aktor.
Sa YouTube channel naman ni Mariel ay siya ang nag-interview sa asawa na in-upload nitong Lunes ng gabi. At ang nagpabago sa desisyon ni Binoe ay, “Nu’ng nakita ko ‘yung mga tatakbo at sila na naman, nagdesisyon na ako.
“At oras na rin na marinig ng mga tao kung ano ‘yung dapat nilang marinig kasi tuwing eleksyon naririnig na nila ‘yun, paulit-ulit. Gusto ko naman may marinig silang realidad, ‘yung totoo,” sabi ng aktor.
Ayon kay Robin ay nagkausap sila ni Mariel tungkol sa kanyang kandidatura at kung hindi siya pinayagan ng asawa at mama niyang si Gng. Eva Carino-Padilla ay hindi siya tutuloy.
Sabi naman ni Mariel, “Nakita ko kasi ‘yung love for the country is nag-uumapaw. May mga taong nagsasalita lang at may mga taong pinakikinggan, si Robin pinakikinggan, sa akin ‘yun (paniniwala). That’s how I see it.”
Madali raw maapektuhan ang asawa kapag may mga nakitang naaagrabyado o nasasaktan, nagkakasakit o nasa hospital dahil buong araw na dadalhin iyon ni Robin.
Hanggang sa nagbalik-tanaw si Mariel na noong sa Fairview pa sila nakatira panahon ng nasa “Wowowee” palang sila ay uuwi sila ng bahay na maraming taong nakapila.
“Doon sa Fairview may mga tao lagi doon sa labas, isa iyon sa dahilan kaya inalis ko na siya ro’n (lumipat na ng Parañaque).
“May mga tao sa labas, naku buong araw nang dadalhin (iisipin) ni Robin, ultimo may gustong magpa-picture sa kanya lagi niya iisipin kung nabigyan ng panahon ‘yun at baka hindi. Maski sa ibang bansa ganyan siya, he really cares,” kuwento ni Mariel.
Ang inaalala rin ng TV host ay ang bunsong anak nilang si Gabriela na makaama at gusto laging kasama ang daddy niya. Nagwawala raw ang bagets kapag hindi sila nakakapag-bonding na mag-ama.
Bahagi kasi ng rules and regulations nila since may pandemya, kapag lumabas ng bahay si Robin ay limang araw siyang nagse-self quarantine kaya hindi siya puwedeng lapitan ng mga anak o sinuman sa bahay nila.
Dalawang taon na si Gab kaya sabi ni Mariel kung sakaling manalo si Robin at maglilingkod ng anim na taon ay walong taon na ang bunso nila by the time na matapos ang termino nito bilang senador.
“Ang puwede kong maging regret kahit naman nag-artista ako noon sa mga nauna kong mga anak nakita kong lumaki lahat ‘yun. Iyon ang kaibahan ng showbiz, kasi sa showbiz hari ka, eh. Sasabihin mo kung naong schedule mo (siya nasusunod),” say ni Robin.
Hirit naman ni Mariel, “E, kasi superstar ka, hindi naman kami ganu’n. Kaming mga supporter hindi kami ganu’n. Ha-hahaha! Kami sumusunod lagi.”
“Oo may time ako sa pamilya ko no’n, may dalawang linggo ako kaya nakita ko lahat. Walang anak ko ang magsasabi na hindi ko sila nakitang lumaki,” pahayag ng “Unlad” host.
Iba na kasi pag sakaling manalo siya ay araw ng Linggo lang daw niya mabibigyan ng oras ang mag-iina niya.
“So, na-foresee mo namay oras ka pa rin sa amin. Mami-miss ka namin, siyempre I’ll be sad. Ang peg ko for six years ‘single mom’ kasi wala ka, di ba?” sabi ni Mariel sa asawa na ikinatawa nang husto ni Robin.
Sa tanong naman ni Robin sa asawa kung hindi siya naapektuhan ng mga pinagsasasabi ng bashers, “Honestly, hindi kasi I know you and hindi ako nagbabasa kasi I protect my peace ‘coz I get affected, get hurt.”
May in-unfriend nga raw siyang childhood friend niya dahil nagsalita ng hindi maganda kay Robin.
“When it comes to Robin I take it personally. May issue kasi siya sa administrasyon (Duterte) which hindi ka naman part. Pag friend kita, super friend kita to the max, kung ano yung beliefs mo hindi ko sasanggain basta friend kita.
“Feeling ko sana ganu’n din ang mga friend ko sa akin. Those people who speak ill against you, they do not know you!” ang diretsong sabi ni Mariel.
Sa lahat daw ng isyung ibinato kay Robin ay masyadong naapektuhan ang asawa niya nang sabihing hindi qualified sa pagtakbo bilang senador.
“Kasi bakit nila nasabing hindi qualified? Sino sila para magsabi?” saad ni Mariel. “E, baka sila sila qualified at saka baka kasi dahil ex-convict ako?” tanong ni Robin sa asawa.
“Bakit nasabi ba sa mga rules na kailangan perfectly record?” katwiran pa ng wifey ng aktor-TV host.
https://bandera.inquirer.net/291622/mariel-rodriguez-masaya-pa-rin-ba-bilang-asawa-ni-robin-padilla
https://bandera.inquirer.net/289526/robin-umamin-kay-mariel-kung-kailan-huling-natukso-sa-babae-nagseselos-sa-steak-ng-asawa
https://bandera.inquirer.net/288981/mariel-binanatan-nang-bonggang-bongga-si-robin-matapos-magpa-interview-kay-ogie-diaz