Derek, Daniel, Hyun Bin, Gong Yoo ‘jojowain’ ni Ate Vi; Coco, John Lloyd, Piolo, Echo totropahin lang

Vilma Santos, Jessy Mendiola at Luis Manzano

GAME na game na sumabak si Star for All Season at Batangas 6th District Rep. Vilma Santos sa usung-uso pa rin ngayong “Jojowain/Totropahin Challenge.”

Aliw na aliw ang mga netizens kay Ate Vi nang mapanood ito sa vlog ng asawa ni Luis na si Jessy Mendiola na nakisali na rin sa pagsagot sa mga inihandang pangalan ng TV host-actor.

In fairness, tuwang-tuwa si Jessy dahil napapayag nila ang award-winning veteran actress na maki-join sa kanilang “Totropahin o Jojowain Challenge” kasama ang tatlo pa nilang kasama sa bahay.

“Jojowain” ni Ate Vi si Christopher de Leon dahil kilalang-kilala na niya ang ugali at personalidad nito at kahit maraming beses na silang nagkatrabaho.

“Totropahin” naman daw niya si Coco Martin dahil hindi pa raw niya ito masyadong kakilala pero sey ng actress-politician gusto raw niyang makatrabaho ang Kapamilya Teleserye King.

Suggestion pa nga ni Luis, mag-guest na rin daw siya sa “Ang Probinsyano” dahil naroon na rin si Megastar Sharon Cuneta.  
Nang mabanggit ang pangalan ng veteran actor at direktor na si Bobot Morti, sey ni Ate Vi, dyinowa na raw niya ito noon kaya nag-pass na muna siya.

Pagdating kina Jericho Rosales at Piolo Pascual, mabilis na totropahin ang sagot ng aktres. Kuwento pa ni Ate Vi, dapat daw pala ay si Echo ang gaganap sa role noon ni Piolo sa pelikula niyang “Dekada ’70.”

“Alam n’yo, trivia, ’yung role ni Piolo sa Dekada ’70, dapat kay Jericho. Kasi, noong nag-storycon kami or something, si Jericho pa ang um-attend noon and that’s the first time we met,” pagbabalik-tanaw ng nanay ni Luis.

Kaya chika ni Ate Vi, umaasa raw siya na pagdating ng tamang panahon ay makatrabaho din niya sa isang bonggang project si Echo. 

“So looking forward na makasama ko siya sa pelikula. Very good actor,” sey ng aktres.

Totropahin din ang tugon niya sa kanyang mga “anak-anakan” na sina Piolo, John Lloyd Cruz at Xian Lim.

Nang banggitin ang name ni Derek Ramsay, “jojowain” ang pinili niya, “Looking forward ako na makasama siya. 

“Kasi, I think, there was one time na nagkaroon siya ng presscon, tinanong siya kung sino ang gusto niyang makasama sa pelikula, I think, he made mention na ako.  

“Tapos tinext pa qko ni Manay Lolit (Solis) noon na  ‘Favorite ka pala ni Derek.’ So, looking forward na sana magkatrabaho tayo,” sey pa ni Ate Vi.

Sa international stars naman, agad-agad na “Jojowain!” ang naging sagot niya kay Hollywood actor Richard Gere na aniya’y matagal na niyang super crush. 

Nabanggit pa niya na meron pa siyang naitagong personalized autographed photo ni Richard Gere na talagang kinarir daw na makuha ng kanyang brother-in-law na taga-Amerika.

“Jojowain yan! Grabe!” ang excited pang tugon ni Ate Vi nang banggitin ni Luis ang “James Bond” star na si Pierce Brosnan.


Sey naman niya kay Brad Pitt, “Sino na naman ang hindi dyodyowain yan?” 

Ito naman ang dialogue ni Ate Vi para kay George Clooney, “Oh, my gosh naman! Ang ibinibigay n’yo naman pangdyowa naman, e! George Clooney ’yan! Sino naman ang hindi dyodyowa din yan?”

Pero mas naging excited pa siya nang banggitin ang Korean superstar na si Hyun Bin, talagang with matching malalim na buntong-hininga pa ito na ikinatawa ng mga kasama niya sa game.

“Dyowa! Guwapo talaga, guwapito talaga for an Asian!” sey ng aktres. Idagdag pa ang isa pang K-drama actor na si Gong Yoo.

Samantala, totropahin lang daw niya sina Aljur Abrenica at Joshua Garcia dahil mga Batangueño rin daw ang mga ito. 

Hindi na nasagot ni Ate Vi kung jojowain o totropahin lang niya si Ken Chan dahil umariba na ang papuri niya sa aktor at sa ka-loveteam nitong si Rita Daniela. Natuwa raw siya sa dalawa nang lapitan siya ng mga ito noong magpunta raw siya sa GMA.

Sa huli, ang pangalan ni Daniel Padilla ang binanggit ni Luis at para sa aktres, “jojowain” daw ang aktor dahil sa nakikita niyang pag-aalaga nito sa kanyang girlfriend na si Kathryn Bernardo.

https://bandera.inquirer.net/293957/ate-vi-tinupad-ang-promise-sa-vilmanians-umaming-nasaktan-sa-sampal-ni-john-lloyd
https://bandera.inquirer.net/304168/gerald-anderson-totropahin-si-alexa-ilacad-baby-girl-yun
https://bandera.inquirer.net/293740/ate-vi-pwedeng-tumakbong-senador-sa-2022-pero-maaaring-mag-retire-na-rin-po-ako-sa-politics

Read more...