Hindi maitatanggi na sa apat na presidential candidates na nakapanayam ni Jessica Soho noong Sabado angat si VP Leni Robredo sa iba dahil naipakita at naipahayag nito ng klaro at detalyado, sa limitadong oras, ang kanyang mga pananaw at plano partikular sa usaping West Philippine Sea, job creation, managing pandemic at economic recovery.
Kasama tayo sa naniniwala na ang mga ganitong Presidential interviews na ginagawa ng mga iba’t ibang TV, radio at news networks lalo na ang hinihintay na Presidential debates (organized by COMELEC) ang magiging game changer sa May 9 presidential election. Makikita dito ang kakayanan ng mga kandidato. Malalaman ang kanilang mga pananaw at plano. Mapupulsuhan ng ating mamamayang botante ang totoo at ano ang kasinungalingan. Walang mga trolls, walang fake news na magkakalat ng kasinungalingan at magmamanipula ng katotohanan. Sa kanilang bibig at kilos makikita, malalaman at mapupulsuhan kung sino ang nararapat na mamuno sa bansa. Sa parteng ito, lamang si VP Leni sa kanyang mga katunggali kung ang 2016 national election ang pagbabasehan.
Matatandaan na bagamat malayo sa vice-presidential survey noong 2016, marami ang nakumbinsi at ibinoto ang nag-iisang babaeng kandidato bilang bise-presidente ng bansa dahil sa ipinakita nitong husay, kalaliman sa kaalaman, katapatan at sensiridad sa kanyang mga sinabi at ipinangako sa mga Vice-Presidential debate. Nanalo ito bilang vice-president ng bansa at hindi naman tayo binigo.
Kung namayagpag si VP Leni sa Presidential interview tila hindi naman maganda ang kinalabasan nito sa ibang kandidato. Si Mayor Isko ng Maynila ay umaming itinabi at dineklarang income ang natirang P50.8 million campaign donations (funds) nang tumakbo ito sa pagka-senador noong 2016. Wala namang batas na nilabag ang mayor ng Maynila lalo pa’t binayaran nito ang buwis (income tax) na P9.7 million, pero mas maganda siguro kung isinauli na lang ng Mayor ang sobrang pera sa mga nag-donate nito baka naging malaking plus factor pa ito sa kanyang kandidatura. Tiyak naman na hindi lang ito ang gumawa ng ganito. Dapat tanungin din ang lahat ng mga kumakandidato kung pinagkakitaan ba nila ang pagiging kandidato sa eleksyon. Kasama tayo sa maraming bumabatikos sa ganitong patakaran kung saan pwedeng angkinin at ibulsa ng kandidato ang natirang campaign donations (funds) bilang kanilang income. Ang ating pananaw ay hindi ito tama. Gumawa sana ng patakaran ang COMELEC o ang Kongreso para maiwasan at mabago ang ganitong bagay.
Si Senador Manny Paquiao ay nagpakita naman ng kahinaan sa maraming bagay pero ang pag-amin nito sa paglabag ng traffic rules dahil daw sa kanyang “work” ay hindi katanggap-tanggap. Maliit na bagay ngunit pinakikita nito kung sino ang pambansang kamao – isang entitled person. Dapat yata gumising o umalis ang senador ng maaga tulad ng marami nating kababayan para hindi ma-traffic at mahuli sa kanyang trabaho o meetings.
Kung mayroon mang nakapantay sa ipinakitang kagalingan ni VP Leni sa nakaraang Presidential interview ay si Senator Ping Lacson. Ang sagot ng senador ay data based, dala marahil ng kanyang malawak na kaalaman bilang isang beteranong senador at mahabang panunungkulan sa gobyerno.
Ang tunay na talo sa Jessica Soho-GMA Presidential Interviews ay ang anak ng dating diktador – si dating senador Ferdinand Marcos Jr. Totoo at nakikiisa tayo na mayroon naman talagang karapatang tumanggi si Marcos na lumahok sa mga Presidential interview sa anumang dahilan, may basehan man o wala, pero politically may epekto ito sa kanyang kandidatura. Maaaring tignan ito ng botanteng taong-bayan na isang kahinaan o kaduwagan, isang pag-iwas para harapin ang mga isyung kinakasangkutan ng pamilyang Marcos at pagdudahan ang kanyang kakayanan at motibo sa pagtakbo sa pagkapangulo.
Hindi naman nakatulong ang interview ni Marcos sa DZRH at kay Boy Abunda (ABS-CBN) nitong Martes (January 25) upang mabawi ang nawalang puntos nito sa taong-bayan. Maraming ipinahayag ang dating senador sa dalawang interview na nagpakita na kulang sa kaalaman ito tungkol sa national (at legal) issues katulad ng pag-appoint ng kamag-anak sa Cabinet na hindi pinapayagan ng ating constitution at ang pagdeklara ng martial law base sa digmaan at sedition na hindi rin naaayon sa ating constitution. Magiging delikadong pangulo ba ito dahil sa kanyang mga pinaniniwalaang pananaw o sadyang hindi lang alam nito ang batas at constitution?
Ang ating kinakatakot sa lahat ay ang halatang pro-China (appeasement) policy na isusulong ni Marcos tungkol sa usaping West Philippine Sea kung ito ang ating magiging susunod na Pangulo. Malayo ito sa isusulong ni VP Leni kung ito ay papalarin. Tama na sana ang isang katulad ni Pangulong Duterte na naging sunod-sunuran sa China.