Mura bumuwelta sa vlogger: Kung natulungan ako ni Virgelyn, mas natulungan ko rin siya!

Mura bumuwelta sa vlogger: Kung natulungan ako ni Virgelyn, mas natulungan ko rin siya!

USAP-USAPAN ngayon ang tila hidwaan sa pagitan nina Mura o si Allan Padua sa totoong buhay at ng vlogger na si VirgelynCares.

Si VirgelynCares ang vlogger na tumulong noon sa dating aktor nang bisitahin siya sa nito sa kanyang tinitirhan sa Albay.

Naglabas kasi ng pahayag si Mura sa kanyang YouTube channel hinggil sa kanyang saloobin ukol kay Virgelyn.

Ayon sa kanya, hindi na sila nag-uusap pa ng vlogger na tumulong sa kanya dahil masyado na raw itong nasa itaas at hindi na niya ito ma-reach.

“Malaki ang naibigay sa akin ni Virgelyn. Halos P150 thousand ang naibigay niya sa ‘kin noong nag-vlog siya doon sa amin. Natural naman ‘yon magbigay siya dahil vlogger siya e.

“Papaano nga naman lalaki ‘yung kanyang viewers, subscribers kung hindi siya pumunta sa amin. Hindi ba doon siya kumita ng sobra-sobra?” saad ni Mura.

Dagdag pa niya, “‘Yung binigay niya sa akin, tulong niya ‘yun at tulong ko na rin sa kanya dahil naging mataas ang subscribers niya. Kaya walang sisihan kung ano man ang ilabas ko sa aking bibig.

“Kung natulungan ako ni Virgelyn, mas natulungan ko rin siya. Parehas lang, tabla lang kaming dalawa so wala na kaming pakialaman ngayon.”

Sumagot naman ang vlogger sa patutsada ni Mura.

“Balang araw magiging kwento na lang tayo sa mundong to kaya habang nabibigay pa manatiling mabuti sa kapwa tao,” sabi ni Virgelyn sa kanyang Facebook post na may hashtag pa na #iloveyoMURA

 

Marami naman ang tila hindi nagustuhan ang ginawa ng dating aktor sa taong tumulong sa kanya at naging susi para makarating sa mga kaibigan niya sa showbiz ang kanyang kalagayan pati na rin ang mas marami pang tulong na natanggap ng kanyang pamilya.

“Dapat magpasalamat ka na lang, Mura. Huwag na magsalita ng pangit sa kapwa mo lalo na ‘yung tumulong sa ‘yo,” comment ng isang netizen.

“Walang utang na loob si Muta kaya pala dati kang silat binaba ka ng Diyos kasi matapobre ka. Tama yan sayo magbungkal ka ng lupa sa bukid baka sakaling mahimasmasan ka,” sabi pa ng isang netizen.

Naglabas namang muli ng saloobin si Virgelyn sa isang video kung saan kinamusta niya si Mura.

“Kumusta ka Mura? Sana ‘yung pagtatanim mo ng mani at kung gaano mo pinausbong yung mga mani mo diyan sa bukirin, ganoon mo rin sana pausbungin ang pagtatanim ng utang na loob.

“Hindi ko sinasabing pasalamatan mo ako, hindi ko rin hinihingi kaninoman na tinutulungan ko. Ang akin lang, kahit sa iba mo nalang gawin ‘yun,” saad ng vlogger.

Sinabihan rin niya ang dating artista na sana ay bawasan nito ang pagiging mapagmataas.

“Bawas-bawasan natin Mura ‘yung pagmamataas. Ni minsan, hindi ako nanumbat ng mga tinulungan kong tao. Hindi ko lang matanggap yung sinabi mong quits tayo. Ni minsan hindi kita sinumbatan,” dagdag pa niya.

Humingi naman ng patawad ang dating ka-love team ng namayapang si Mahal.

“Na-miss ko na rin po kayo mama Virgelyn. Thank you sa tulong niyo sa akin dun sa aming lugar. Kahit napakalayo ng aming lugar, sinuyod niyo ang aking tahanan para iyon nga, matulungan niyo rin po ako.

“Maraming salamat at sorry… Sorry at nakapagsabi po ako ng ganun dahil sa aking saloobin. Sana maintindihan niyo po. Pasensya na po mga ka-legit, mga ka-Virgelyncare,” paghinging paumanhin ni Mura.

 

Related Chika:
Mura naghirap matapos ang aksidente sa balakang
Mura muling naiyak sa sorpresang handog ng vlogger

Read more...