Nardo Flores at Robert Hong
NATATAKOT at nangangamba para sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya ang truck driver na nagdemanda kay Nardo Flores na inaresto matapos umanong magnakaw ng mangga.
Sa unang pagkakataon nagsalita at dumepensa na si Robert Hong, ang caretaker ng lupa na pinagtataniman ng puno ng mangga kung saan namitas ng mga bunga si Lolo Narding.
Ito’y matapos ngang maging national issue at mag-viral ang pagkakaaresto at pananatili ng senior citizen ng isang linggo sa kustodiya ng Asingan Police sa Pangasinan dahil sa kasong pagnanakaw ng mangga na nangyari umano noong April, 2021.
Nang kumalat ang balita, biglang bumuhos ang simpatiya at tulong kay Lolo Narding kabilang na ang mga ayuda ng mga celebrities. Awang-awa sila sa matanda dahil sa “10 kilo ng mangga” ay kinasuhan pa ito ay inaresto pa.
Kabilang sa mga artistang tumulong sa kanya ay sina Ryza Cenon at Wendell Ramos na talagang sinadya pa si Lolo sa Pangasinan para dalhin ang handog nilang negosyo package.
At habang bumubuhos ang tulong kay Lolo Narding, kaliwa’t kanang pambabatikos at pagbabanta naman ang natatanggap ni Hong at ng kanyang pamilya dahil sa pagsasampa niya ng reklamong theft laban sa matanda.
At dahil nga rito, humiling na siya ng proteksiyon sa mga pulis dahil nangangamba na sila para sa kanilang buhay.
Samantala, nilinaw din naman ni Hong sa panayam ng “Balitang Amianan” ng GMA Regional TV na 10 kaing at hindi 10 kilo ng mangga ang inani ni Lolo Narding.
Kasabay nito, nabanggit din ni Hong na iniurong na niya ang reklamo laban sa lolo kaya ikinagulat nila nang mabalitang hinuli ito ng otoridad.
“Sinabi naman sana niya, ‘Ito na lang ang natira sa napagbentahan ko. Patawarin mo ako kung ano yung nagawa kong kasalanan at hindi ko na uulitin.’ E, di maluwag sa loob ko na hindi ko na itutuloy yung kaso,” ayon sa complainant.
Ipinagdiinan din ni Hong na hindi si Lolo Narding ang nagtanim ng kontrobersyal na puno ng mangga pero totoong pinatira raw ng may-ari ng lupa pansamantala ang isang kaanak ni Lolo Narding pero never ito naging caretaker ng nasabing property.
Nakatakda naman sa Feb. 8, 2022 ang arraignment kay Lolo Narding na nakalaya pansamantala matapos magpiyansa ng P6,000.
Sa panayam din ng “Balitang Amianan” humingi na ng paumanhin si Lolo kay Hong.
Nauna rito, nabalita rin na naging tulay si Sen. Panfilo Lacson sa pag-aayos ng dalawang panig nang personal siyang magtungo sa Asingan, Pangasinan kamakaila, “Towards the end of the day, Robert and Lolo Narding agreed to amicably settle their case in court during the latter’s scheduled arraignment on February 8.”
https://bandera.inquirer.net/303535/lolo-narding-gustong-mahanap-ni-rabiya-mateo-kuya-kim-nais-ring-magpaabot-ng-tulong
https://bandera.inquirer.net/303516/80-anyos-na-inaresto-ng-pulis-matapos-akusahang-nagnakaw-ng-mangga-nakalaya-na