Romano Vasquez
PUMANAW na ang singer-actor at kilalang miyembro noon ng programang “That’s Entertainment” na si Romano Vasquez. Siya ay 51 years old.
Dakong alas-sais kagabi, Jan. 23, nang sumakabilang-buhay ang aktor at negosyante, sa kanilang tahanan sa Cavite City.
Ang malungkot na balitang ito ay kinumpirma ng misis ni Romano (Romanito Romano Anacan Dila sa tunay na buhay) na si Alma Panuelo Dila.
Wala siyang ibinigay na karagdagang mga detalye tungkol sa biglaang pagyao ng aktor at negosyante kaya wala pang kumpirmasyon sa tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Kasunod nito, nakiusap naman ang pamilya ni Romano na respetuhin na lang muna ang kanilang pananahimik at pagluluksa.
Humihingi rin sila ng dasal para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng pumanaw na aktor at singer.
Bukod kay Alma, naulila rin ng namayapang aktor ang kanyang apat na anak, sina Angelie Kate, Albert, Sky at Raven.
Kasalukuyang nakaburol ang labi ni Romano sa Imperial Crown Funeral Service sa Purok 6 Brgy. De Ocampo, Trece Martires City, Cavite.
Sa mga hindi masyadong nakakakilala kay Romano, una siyang nakilala sa dating youth-oriented program ni yumaong showbiz icon German Moreno na “That’s Entertainment” sa GMA 7. Naging member siya ng Friday group at naitambal sa aktres at Tv host na si Shirley Fuentes.
Naging makulay at kontrobersyal din ang buhay ng aktor noong kanyang kabataan at sa katunayan, ipinalabas pa ang love story nila ng asawa sa drama anthology na “Wagas” ng GMA News TV.
Nakagawa rin si Romano ng ilang pelikula kabilang na ang “Noel Juico, 16: Batang Kriminal” (1991), “First Time… Like A Virgin!” (1992), “Dark Tide” (1994), “Epimaco Velasco: NBI” (1994), “Suicide Rangers” (1996), “Mariano Mison: NBI” (1997) at “The Secret Of Katrina Salazar” (1997).
Napanood din siya sa “Alipin Ng Aliw” (1998), “Hiram” (2003), “Night Job” (2005), “Astig” (2009), “Mainit” (2011), “Sexventure” (2011), at “Pikit Mata” (2012).
Bago pumanaw, aktibung-aktibo si Romano sa kanyang nga negosyo base na rin sa mga ipino-post niya sa Facebook.
https://bandera.inquirer.net/281182/labi-ni-claire-dela-fuente-na-cremate-na-gigo-nag-sorry-sa-kapatid
https://bandera.inquirer.net/293317/aktres-na-may-bagong-series-bagong-apple-of-the-eye-ng-mayamang-negosyante