ISANG market vendor mula sa Paco Market, Manila ang umalma sa bagong ipinapatupad ng gobyerno na “no vaccine, no ride” policy sa mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila. Ayon sa market vendor na nagngangalang Gemma Parina, naglalakad na lamang siya mula sa kanilang tirahan papunta sa palengke dahil hindi pa siya bakunado laban sa COVID-19.
“Tingnan mo ang pahirap na ginagawa ninyo sa taong bayan. Umupo kayo dyan, binoto namin kayo para paunlarin ang bansa. Kung ako may kakayahan tumakbo, tatakbo ako e. Bakit? Para maiahon ko itong mga vendors na ito kasi vendors rin ako,” saad ni Gemma patungkol sa mga opisyal ng gobyerno sa interview niya sa Radyo Inquirer.
Dagdag pa niya, nagtatrabaho siya para sa kanilang pangangailangan at hindi umaasa sa ayuda mula sa gobyerno.
“Nagtitiyaga akong magtinfa. Hindi ako umasa sa p***** i**** SAP (Social Amelioration Program) nila. Nagtitinda ako ng balut para may pambayad ako ng ilaw at tubig.”
Ayon pa sa kanya, nagdesisyon siya na huwag magpabakuna dahil siya ay may diabetes at sakit sa puso.
Paniniguro naman ng Department of Health (DOH) na maaaring magpabakuna ag mga may “well-controlled comorbidities” dahil mas mataas ang risk na magkaroon sila ng severe COVID-19 at magsisilbing proteksyon ang bakuna para maiwasan ito.
“Ngayon kapag wala kang vaccine huhulihin ka. P***** ina kakasuhan ka ‘yung mga pulis na ‘yan kapag hinuli ako, wala akong vaccine. Alam mo ang ikaso ko sa kanila? Harassment. Ano, wala na tayong human rights? Dapat lahat ng Pilipino magkaisa may vaccine man o wala kasi ginag*g* na tayo ng gobyernong ‘yan e.
“Tumutulong ba sila para magbayad kami sa Meralco? Kapag naputulan kami may magawa ba sila? Wala,” pagpapatuloy niya.
Para sa mga katulad ni Gemma, kinakailangan nilang mga market vendors na magtrabaho para matugunan ang pangangailangan nila at makapagbayad sila ng mga bills.
Nanawagan rin siya sa mga nagnanais ma tumakbo sa darating na election na kontrahin ang ipinatupad na polisiya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte.
“Dapat lahat ng mga tumatakbo na ‘yan, tutulan ‘yung policy ni Duterte na ‘no vaccine, no ride’. Mamamatay ang tao sa gutom. Kailangan ka pa magpavaccine,” saad niya.
Matatandaang hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga barangay officials na i-restrain ang mga mamamayang hindo pa bakunado sa paglabas sa kanilang mga bahay.
Alinsunod dito, naglabas ng department order ang Department of Transportation na tanging mga fully vaccinated lamang ang maaaring gumamit ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila.
Exempted naman ang mga commuters na bibili o magde-deliver ng essential goods and services, mga taong pupunta sa mga vaccination sites para magpabakuna at mga taong hindi maaaring magpabakuna dahil sa kanilang mga medical conditions.
Ayon rin kay Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III, ang mga manggagawa na may proper identification ay exempted sa “no vaccine, no ride” policy.
Samantala, ang “no vaccine, no ride” policy ng gobyerno ay taliwas sa pag-eexercise ng fundamental rights ng mga mamamayan ayon sa Commission on Human Rights.
Base naman sa mga health experts, bagamat may mga breakthrough infections pa rin na maaring mangyaro sa mga bakunado ay nagbibigay naman ito ng karagdagang proteksyon para sa mga indibidwal laban sa severe COVID-19 at pagkakaospital.
Ayon pa sa DOH, 85 percent ng mga COVID-19 patients sa intensive care units at ang mga nangangailangan ng mechanical ventilators sa mga ospital sa Metro Manila ay hindi bakunado.