Vice, Ion nag-pledge ng P500k sa benefit concert ni Regine para sa mga biktima ng bagyong Odette

Regine Velasquez, Ion Perez at Vice Ganda

KALAHATING milyong piso ang ipinangako ng celebrity couple na sina Vice Ganda at Ion Perez bilang donasyon para sa mga nasalanta ng super typhoon Odette.

Nag-pledge ng P500,000 ang TV host-comedian pati na ang partner niyang si Ion sa ginanap na 10-night “By Request” benefit concert ng ABS-CBN featuring the one and only Asia’s Songbird na si Regine Velasquez.

Ang kikitain ng nasabing fundraising project ng ABS-CBN na nagsimula last Sunday ay ilalaan lahat sa mga biktima ng typhoon Odette sa rehiyon ng Visayas at Mindanao.

Talagang ikinagulat ni Regine nang malamang P500,000 ang ibibigay nina Vice at Ion habang ongoing ang kanyang “By Request” concert na napapanood sa YouTube, Facebook at Kumu.

Bago mag-pledge ang komedyante, talagang nag-request pa ito sa kanyang idol at kaibigan ng isang favorite niyang kanta ng Songbird.

In fairness, pinagbigyan naman ni Regine si Vice at ibinirit ang kanta niyang “Follow the Sun”. Pagkatapos ng kanyang performance, biniro naman ng OPM icon si Vice Ganda na mag-donate ng P100,000.

At ilang sandali lang ang lumipas, ibinandera nga ng host ng benefit concert na si Darla Sauler na nag-pledge nga sina Vice Ganda at Ion Perez na magdo-donate ng half a million pesos.

Tuwang-tuwa naman si Regine sa pagiging generous ni Vice kasabay ng pakiusap at panawagan sa madlang pipol na kahit anong halaga na kanilang maido-donate ay napakalaking tulong na para sa mga typhoon Odette victims. 

“By Request” will feature different performers for 10 nights, at 8 p.m.. Tatagal ito hanggang sa Jan. 18.

Ang lahat ng proceeds nito ay mapupunta sa ABS-CBN Foundation’s “Tulong-Tulong sa Pag-ahon” campaign para sa mga kababayan nating nawalan ng bahay at kabuhayan nang dahil sa bagyong Odette.

Nauna rito, nanawagan na rin si Vice sa madlang pipol na may kakayahang tumulong na kahit paano’y magbigay ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyo.

“Habang tayo’y nagkakasiyahan, alam kong marami tayong ginagawa, marami tayong naplano, pero as our lives go on, huwag nating kalimutan na may mga nangangailangan na mga Kapamilya natin ng tulong na mga nabiktima ng bagyong Odette sa Cebu, sa Siargao, at sa napakaraming lugar sa Pilipinas.

“Kaya sana magtulong-tulong po tayo, kailangan po tayo ng mga kababayan natin. Again, alam ko Pasko ngayon, nagkakasiyahan tayo pero isipin pa din natin kahit paano isama natin sa mga plano natin ang mga kababayan nating nabiktima ng Odette,” ani Vice.

https://bandera.inquirer.net/300677/regine-inireklamo-ang-socmed-accounts-na-nakapangalan-kay-nate-sorry-im-just-trying-to-protect-my-son

https://bandera.inquirer.net/296292/vice-ion-3-years-nang-magdyowa-i-love-you-noy-and-i-love-winning-in-life-with-you

Read more...