Ibang bansa (2)

Sulat mula Amy ng Katalbasa, Sagay City, Negros Occidental
Problema:
1.      Naisipan ko pong mag-aplay sa abroad, kasi ito na lang ang alam kong paraan para maiahon sa kahirapan ang aming pamilya. Ako po kasi ang panganay sa limang magkakapatid. Kasama ko naman pong nag-aaplay ang pinsan at bestfriend kong si Lorie. Itatanong ko lang kung matutuloy po ba kami, kasi sa ngayon malaki-laki narin ang nagagastos namin sa mga papeles at pamasahe.
2.      Balak na nga naming mag-give up, pero sabi naman sa akin ng mga magulang ko ituloy ko lang daw dahil baka nasa ibang bansa ang aking suwerte. Ano sa palagay nyo, makapag-aabroad kaya ako bago matapos ang taong ito ng 2013?
April 23, 1984 ang birthday ko.
Umaasa,
Amy Negros Occidental
Solusyon/Analysis
Astrology:
Ang zodiac sign mong Taurus (Illustration 2.) ang nagsasabing sa sandaling pinairal ang lakas ng loob, tuloy-tuloy at isa-isa ng matutupad ang lahat ng mga pangarap mo sa buhay, lalong lalo na ang pag-aabroad. Kaya hindi ka dapat sumuko, sa halip lakas loob, ituloy mo ang iyong pag-aaplay.
Numerology:
Ang birth date mong 23 ay nagsasabing sa sandaling nasimulan mo ang pag-aabroad, tuloy-tuloy na yan na ibig sabihin lagi ka ng makapag-aabroad hanggang sa umunlad na ng umunlad ang kabuhayan ng inyong pamilya.
Luscher Color Test:
Upang mas mabilis kang  suwertehin hindi lang sa pag-aabroad kundi sa lahat ng bagay lagi kang gumamit ng kulay na pula. Sa ganyan paraan mas marami suwerte at magagandang kapalaran ang kusa ng darating sa iyong buhay.
Graphology:
Lagyan mo ng bahagyang inobasyon ang iyong lagda
upang lalo ka pang suwertehin sa buhay at upang lalo pang mabuo ang tiwala mo sa iyong sarili. Magagawa mo kung hahabaan mo ng pa-straight line ang dulong bahagi ng iyong lagda, ang pinaka-paa ng letrang “n”. Sa ganyang pirma mahaba at straight line ang dulong bahagi, tuloy-tuloy ka ng susuwertehin sa iyong buhay.
Huling payo at paalala:
Amy hindi ka dapat mag-give-up sa kinagawa mong pag-aaplay sa abroad, dahil nakatakda na ang magaganap, sa taon ding ito ng 2013 sa buwan ng Oktubre hanggang Nobiyembre, sa edad mong 29 pataas, matutupad na ang malaon mong pangarap –makapangingibang bansa ka at ang pag-aabroa dna ito ay siya na ring magiging simula upang tuloy-tuloy mong maiahon sa kahirapan ang inyong pamilya.

Read more...