Tama ang ating titulo, walang aaktong pangulo o gaganap na acting president kung sakaling hindi matutuloy, sa anumang dahilan, ang national election sa May 9, 2022.
Naisulat natin noong nakaraang linggo ang posibilidad, bagamat malayong mangyari, na hindi magkaroon nang national election sa May 9, 2022 dahil sa lumalalang pandemya dala ng bagong Covid variant na Omicron. At nitong mga nakaraang araw lang, nagpahayag ang ilang personalidad ng kanilang pangamba na baka ma-delay at hindi magkaroon ng eleksyon sa Mayo dahil sa petition (to reopen the filing of Certificate of Candidacy) na inihinain ng PDP-Laban sa COMELEC na diumano ang tanging hangarin ay itulak ang no-election scenario. Si Pangulong Duterte ay kabilang sa ruling party (PDP-Laban-Cusi wing) at nagsisilbi bilang chairman ng partido.
Uulitin natin ang ating pananaw na hindi maaaring suspendihin ang eleksyon sa May 9, 2022. Ito ay itinakda ng constitution. Hindi pwedeng suspendihin at iurong ito sa pamamagitan lamang ng isang resolution o batas na ipapasa ng Kongreso maski suportahan pa ito ng lahat ng mambabatas. Para mapalitan at maiurong ang national election sa May 9, mangangailangan ng constitutional amendments o pagbabago ng ilang provisions ng constitution hindi lamang sa itinakdang araw ng election pati na rin sa termino ng pangulo, vice-president, senators, congressmen at ibang opisyal.
Ngunit bukod sa kamatayan at pagbayad ng taxes walang katiyakan ang lahat ng bagay sa mundo, kasama na rito ang nakatakdang national election sa darating na Mayo. May posibilidad pa rin na hindi matuloy ang hinihintay na presidential election katulad ng nangyari noong 1943 dahil sa nagkaroon ng digmaan (WW ll). At upang makapagpatuloy pa rin si pangulong Manuel Quezon bilang pangulo ng bansa matapos ang termino nito, nagpalabas ang US Congress noong November 12, 1943 ng isang Joint Resolution (No. 95) kung saan pinalawig (extended) ang termino ni Quezon bagamat sa ilalim ng ating 1935 Constitution ang termino ng pangulong Quezon ay magwawakas sa November 15, 1943. Matatandaan din na hindi nagkaroon ng presidential election noong 1973 dahil idineklara ng dating diktador Ferdinand Marcos Sr. ang martial law at naging epektibo ang 1973 Constitution kung saan pinalawig ang termino nito na dapat ay hanggang December 30, 1973 lamang.
Kung sakali, at huwag naman sanang mangyari, na hindi matuloy o hindi magkaroon ng presidential (national) election sa May 9, sino ang magiging pangulo o aaktong pangulo (acting president) ng bansa matapos ang termino ni Duterte sa tanghali ng June 30, 2022?
Sa ating present political set up at kung susundin direkta ang ating constitution, walang pangulo o aaktong pangulo sa ating bansa sa (afternoon) June 30, 2022 kung hindi magkakaroon ng election sa May 9.
Para sa kasiyahan ng karamihan nating kababayan at sa kabutihang palad naman, hindi si Duterte ang muling mamumuno o aaktong pangulo ng bansa. Ang termino ni Duterte ay nakatatak sa bato. Ito ay hanggang tanghali (noon) lamang ng June 30, 2022. Walang extension ng term of office ng pangulo sa Constitution. Walang “hold-over position” sa constitution para sa pangulo at sa lahat ng constitutional officers ng bansa.
Sayang, bagamat siya ang constitutional successor ng pangulo sa ilang pagkakataon at qualified na mamuno ng ating bansa, hindi rin si Vice President Leni Robredo dahil magtatapos din ang termino nito sa katanghalian ng June 30, 2022.
Sa ganitong pagkakataon, ang senate president, na ginagampanan ni Senator Tito Sotto ngayon, ang dapat umakto bilang acting president ngunit hindi rin ito ang aakto bilang pangulo sa June 30, 2022 (afternoon) dahil magtatapos din ang termino nito bilang senador sa katanghalian ng June 30 kasama nina Drilon, Lacson, De Lima, Gordon, Hontiveros, Villanueva, Zubiri, Pacquiao, Pangilinan, Recto at Gatchalian.
Ang Speaker ng House of Representative na maaari sanang humalili at umakto bilang acting president kung walang senate president sa ganitong pagkakataon ay hindi rin maaari dahil magtatapos din ang kanyang termino kasabay lahat ng miyembro ng House of Representatives sa katanghalian ng June 30, 2022.
Para maiwasan ang ganitong political at constitutional crisis na maaaring pagsasamantala ng mga politiko para mapalawig ang kanilang posisyon at kapangyarihan, ang mga sumusunod ay maaaring gawin ng Kongreso:
• Mag-elect ng bagong Senate president ang Senado bago ito mag-adjourn sa June 3, 2022. Ang senador na papalit kay SP Tito Sotto ay dapat yung may termino hanggang June 30, 2025 o yung nahalal noong 2019 para ito ay manatiling senador at Senate president maski pagkatapos ng katanghalian ng June 30, 2022. Ang bagong Senate president ay syang aaktong pangulo (acting president) ng bansa hanggang wala pang nahahalal na pangulo at bise-presidente. Kayo na ang mamili kung sino ang gusto nyong maging susunod na Senate president na may pagkakataong maging acting president ng bansa — Revilla, Lapid, Bato, Go, Imee Marcos, Pia Cayetano, Angara, Villar, Tolentino, Nancy Binay at Poe.
• Magpasa ng batas ang Kongreso bago mag June 30, 2022 kung saan tutukuyin kung sino ang dapat manungkulan bilang acting president sa ganitong sitwasyon.
• Magpasa ng batas ang Kongreso bago mag June 30, 2022 kung saan iuurong ang pagtitipon ng Kongreso sa June 30, 2022 (afternoon) at agarang maghalal ang bagong Kongreso ng Senate president at speaker.
Ang una ay ang pinakamadaling gawin at nagpahayag na ang ilang senador na maaari nilang gawin ito. Baka kulang naman na sa oras para gawin ang pangalawa at pangatlo.
KAUGNAY NA OPINYON
May eleksyon ba sa May 9, 2022?