Dingdong Dantes
“MASOKISTA” palang maituturing ang award-winning Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.
Gustung-gusto raw kasi ng celebrity dad na pinahihirapan at tsina-challenge ang kanyang sarili sa lahat ng mga proyektong ginagawa niya sa telebisyon at pelikula.
At dito nga sa bago niyang mini-series sa GMA 7, ang “I Can See You: AlterNATE”, muli ngang pinatunayan ni Dong na kayang-kaya niyang maging bida at kontrabida.
Dual role ang gagampanan ng Kapuso actor at TV host sa “AlterNATE” — ang pasaway at palaban na si Michael at ang mahiyain at duwag na si Nate. Ito ang unang pagkakataon na gaganap na “kambal” ang aktor kaya bagong challenge na naman ito sa kanya.
“Well, siguro kasi para sa akin, gusto ko kasi na palagi akong natsa-challenge at nahihirapan sa mga ginagawa ko,” simulang pahayag ni Dingdong sa naganap na virtual mediacon ng “I Can See You: AlterNATE” kahapon, Jan. 3.
Aniya pa, “Masasabi ko na isa ’to sa pinakamahirap talaga na nagawa ko in terms of character. Pero ’yon nga, ine-enjoy ko ’yon.
“At the same time, nangyari ang lahat ng ito dahil sa collaboration naming lahat sa set. Kumbaga, naki-create namin ang character ng bawat isa dahil sa commitment. Well, hindi lang siya basta-basta commitment, kung hindi sa tindi ng commitment ng bawat isa.
“Imagine, na-lock-in kami for 30 days and simula pa lang sa quarantine, e, talagang pinaglalaruan na namin ang mga characters namin and it was a very, very great experience,” kuwento pa ng mister ni Marian Rivera.
Pareho raw mahirap gampanan ang dalawang karakter niya sa serye, “I would say parehong challenging. Siyempre, mag-e-eksperimento ka doon sa isa, ganoon din sa isa. They were equally as difficult and as exciting to portray.”
Samantala, bukod sa pagsisimula ng bago niyang serye sa GMA, marami pang pasorpresa si Dong sa mga manonood ngayong 2022, pero isa-isa lang daw muna ang pagbabalita tungkol sa nakalinya niyang proyekto.
“Well, para sa akin, one step at a time muna and isa ito sa tingin ko na magandang pagpasok sa taon. Kasi, parang sinisimbolo niya ang paghihirap na ginawa namin nang mag-lock-in kami at ito ang magiging produkto.
“And I guess, kung titingnan mo rin, lahat ng nangyari sa atin whether in a form of a project or kung anuman, ang dami nating learnings sa lahat ng paghihirap sa mga nakaraang taon.
“Kapag naging maganda ang outlook mo, magkaroon ka lang ng bukas na puso at positibo ang pag-iisip sa mga mangyayari sa susunod na kabanata. Let’s just be hopeful about things in the coming years and months and that starts now.
“And we will begin by showcasing this, in our own humble way kasi, ’yun naman ang alam naming gawin, magkuwento ng mga ganitong klaseng material,” aniya pa patungkol sa kanilang programa.
Sabi pa ni Dingdong, napapanahon din ang pagpapalabas ng “AlterNATE” dahil tatalakayin din sa kuwento ang tungkol sa politika. Sa darating na May, 2022 magaganap na ang pinakahihintay na presidential elections.
“Makaka-relate ang mga audience natin dahil bawat characters ay representation ng iba’t-ibang klaseng emotion, iba’t-ibang klaseng pagkatao na makikita nila ang mga sarili nila dito.
“Kaya nga drama siya, kaya nga suspense siya. Minsan may pagka-action din siya at sana, maibigan nilang lahat sa unang handog ng GMA sa 2022,” ani Dingdong.
Ang “I Can See You: AlterNATE” ay idinirek ni Dominic Zapata at kasama rin dito sina Beauty Gonzalez, Joyce Ching, at ang dating mag-asawang sina Ricky Davao at Jackie Lou Blanco. Magsisimula na ito sa Jan. 10 sa GMA Telebabad.
https://bandera.inquirer.net/286293/dingdong-kay-marian-napakaswerte-ko-na-siya-talaga-ang-naging-asawa-ko
https://bandera.inquirer.net/297667/dingdong-miss-na-miss-na-si-misis-at-2-anak-marian-payag-na-ba-sa-faceface-classes