Brenda Mage nag-sorry: Lahat ng salita at aksyon ko ay sumasalamin sa aking pagmumukha at pagkatao

Brenda Mage

NAG-SORRY ang Kapamilya comedian na si Brenda Mage sa madlang pipol sa pagbabalik niya sa outside world mula sa “Pinoy Big Brother” house.

Nakasama ang komedyante sa Top 5 celebrity housemates ng “Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10” ngunit nabigo nang makaabot sa Top 2 na nakuha nina Alyssa Valdez at Anji Salvacion.

Isang araw matapos lumabas ng Bahay ni Kuya, nag-post ng mensahe si Brenda Mage o Bryan Roy Tagarao sa tunay na buhay, sa social media para humingi ng paumanhin sa lahat ng kanegahang ginawa niya bilang housemate.

Binatikos ng netizens ang tinaguriang “Ang Fun-Along Comedian of Cagayan de Oro” dahil sa mga masasakit na salitang nasabi niya laban sa mga kapwa housemates na sina Alexa Ilacad, Eian Rances at Chie Filomeno. 

Sa kanyang Instagram account, nag-post ng kanyang throwback photo si Brenda na may caption na, “Lahat ng salita at aksyon ko ay sumasalamin sa aking pagmumukha at pagkatao.

“Kaya kung may nasaktan man ako sa mga nagawa ko I am Sorry… eto talaga ako eh… I am not MARITES but this is BRENDA MAGE … Lablablab God bless!” aniya pa.

Kasunod nito, ilang oras lamang ang nakalipas muling nagbahagi ng mensahe ang komedyante para ipagdiinan kung gaano siya nagsisisi sa mga sablay na pinaggagawa niya noong nasa loob pa siya ng “PBB” house.

“Pasensya na po talaga sa lahat ng nangyari…. Tao lang po (mukha lang hindi) nagkakamali…. Salamat po,” pahayag ni Brenda.

Kung matatandaan, nag-viral ang matapang na pahayag ni Brenda laban kay Alexa noong pareho pa silang nasa Bahay ni Kuya. Aniya, “Puro lang siya music, wala nga siyang ambag dito. Tingnan mo sa grupo nila, siya ‘yung iyakin kasi wala siyang nagagawa. 

“Zero lagi ambag. Kanina sa tingin mo, may ambag ‘yung lakas niya. Wala siya ambag. Tsaka sa lahat ng task wala naman siyang ambag. ‘Yun lang sa play, kanta lang, sirena siya,” aniya pa.

Bago pumasok sa “PBB” house last October, 2021 sinabi ng Kapamilya comedian na nais niyang maging “good representation” para sa LGBTQ community.

“Ang pangarap ko lang dati manalo at sumikat e hindi nangyari. Ang pangarap ko na lang ngayon ay maka-inspire pa ng iba. Huwag nilang hayaan na ang pangarap ay manatiling pangarap. Magsumikap lang tayo,” aniya.

https://bandera.inquirer.net/302090/pagkatalo-ni-brenda-mage-sa-pbb-10-ikinatuwa-ng-netizens-yan-ang-tinatawag-na-karma
https://bandera.inquirer.net/301114/brenda-mage-nag-alala-sa-pamilyang-naapektuhan-ng-bagyong-odette-babalik-na-naman-po-sila-sa-umpisa

Read more...