Juliana Parizcova, Dennis Padilla, Janno Gibbs at Andrew E
KUNG may isang gay comedian na maituturing na maswerte talaga ngayong pandemya, yan ay walang iba kundi ang “It’s Showtime” Miss Q&A titleholder na si Juliana Parizcova Segovia.
In fairness, tuluy-tuloy lang ang mga raket ni Juliana sa showbiz. Bukod sa mga TV show, nakagawa rin ng ilang pelikula sa Viva Films noong 2021 tulad ng “Kaka” at “Gluta”.
At ngayon nga ay kasama rin siya sa Vivamax original movie na “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo 2: Aussie! Aussie! O Sige!” na pinagbibidahan ng mga veteran comedians na sina Janno Gibbs, Andrew E at Dennis Padilla.
Sabi ng Kapamilya comedian sa nakaraang virtual mediacon ng nasabing pelikula, feeling blessed talaga siya dahil nabigyan siya ng chance na makasama sa isang project ang mga hinahangaan niyang komedyante.
“Parang hindi ako makapaniwala na nakakatrabaho ko sila ngayon. Pag kasama ko sila during shooting days namin, hindi nawawala sa akin yung maging tagahanga nila,” simulang chika ni Juliana.
Aniya pa, “Talagang isa ako sa sumubaybay at nanuod ng mga pelikula nila so pag iniisip ko na nakakatrabaho ko na sila ngayon, parang iniisip ko, ‘Totoo ba ‘to?’ And at the same time naglu-look forward ako na sana mas marami pa.
“Sana mas marami pa akong makatrabaho na mga hinahangaan ko at mga sinusubaybayan ko noon. Kasi ang dami ko rin natutunan sa kanila talaga,” sabi pa ng komedyante.
Inamin niya na sa bawat proyektong ginagawa niya ay palagi siyang nakakaramdam ng kaba at pressure, “Ako kasi sa tuwing may ginagawa akong movies, siyempre as a baguhan lagi akong may kaba, lagi akong may takot.
“Pero at the same time, lagi kong sinasabi, ayoko kasing may pagsisihan sa bawat gagawin kong pelikula. So every time na may makakatrabaho akong mga icons, mga beterano, lagi akong nagbabaon din ng sarili kong marka,” diin pa ni Juliana.
“Pressured ako na maka-work sila (veteran conedian) kasi alam ko kung gaano sila kahuhusay at kung gaano katataba ang utak nila. Pero hindi naman nila ako pinabayaan dahil hindi sila madamot sa pagbibigay ng oras mo to shine.
“Parang kung may maisip ka ibato mo tapos sasabihin nila kung okay at susuportahan nila ako. Isang malaking karangalan talaga ang makatrabaho ko itong trio na ‘to. Pero sana magkaroon pa ng mga susunod,” pahayag pa niya.
“Sa akin siguro ang pinaka-challenging kasi nga batikan sila, hindi ka puwedeng lalamya-lamya. Hindi ka puwedeng papahuli. So napaka-challenging sa akin na kapag may mga naiisip silang punchlines or adlibs kailangan makasabay ka talaga.
“Kailangan ma-gets mo yung mga mata nila na, ‘O Juliana ikaw anong banat mo sa amin?’ yung mga ganun. So mapapaisip ka din kung paano, kahit konti, mo sila masasabayan,” lahad pa ni Juliana.
Samantala, natanong din siya kung ano ang lamang niya sa iba pang komedyante sa showbiz, “Hindi ko alam talaga kung ano yung meron ako na wala yung ibang beking comedian na mga kasabayan ko.
“Pero ang lagi ko lang iniisip siguro kasi and dami ng magagandang mukha na gay comedian sa industriya.
“Ang dami ring hindi magagandang mukha na gay comedian sa industriya. Pero what makes me stand out is siguro ako yung balanse yung mukha. Pero walang ngipin. Ha-hahaha! Yung parang ako lang yung ganito,” chika pa ni Juliana.
Palabas na ngayon sa Vivamax ang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo 2: Aussie! Aussie! O Sige!” na idinirek ni Al Tantay.
https://bandera.inquirer.net/301793/juliana-parizcova-natatakot-ipakilala-ang-dyowa-sa-publiko-ayaw-gayahin-sina-vice-at-chad
https://bandera.inquirer.net/299857/bakit-natsugi-si-juliana-parizcova-sa-titulo-ng-pelikula-nina-andrew-e-dennis-at-janno